“’DI naman ako kapit-tuko sa posisyon at titulo. Pero bakit ba siya ang kakain sa itinanim, inani, iniluto at hinanda namin? Bakit siya? Kung ang kakain ay kasama naming naghirap sa pagpapalaki ng partido ay wala tayong masasabi diyan. Huwag naman iyong shortcut at jackpot agad. Magbanat din po ng buto,” saad sa text message ni Senador Koko Pimentel sa media, ang tinukoy ay si Rogelio Garcia.
Si Garcia ang inihalal na Pangulo ng isang grupo ng PDP-Laban na nagsagawa ng pulong kamakailan sa Amoranto Stadium, Quezon City. Ang grupong ito ang nagpatalsik kay Sen. Pimentel bilang Pangulo at kay Congressman Pantaleon Alvarez bilang Secretary General.
Nakipagpulong nitong Huwebes ng gabi si Pimentel at ang iba pang opisyal ng PDP-Laban kay Pangulong Duterte, chairman ng partido, at sa pangkat ni Garcia sa layuning malutas ang kanilang sigalot. Hindi pa rin nagawang mapagkasundo ng Pangulo ang dalawang pangkat, kaya nagtakda ng panibagong pulong sa Setyembre 1.
“Ang sabi po ni Presidente mag-usap-usap sila, mag-usap-usap lahat, pagkatapos, I think sa Setyembre magpupulong uli. Tapos kung hindi kakayaning magkasundo ay puwede po namang maghiwa-hiwalay,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Samantalang nahati na ang PDP-Laban, patuloy namang pinalalakas ni Mayor Sara, ng Davao City, anak ng Pangulo, ang kanyang partidong Hugpong ng Pagbabago. Bagamat sinabi niyang ito ay pangrehiyon, kumukuha naman ito ng mga kasapi sa buong kapuluan at nakikipag-alyado sa iba’t ibang partidong bago o matagal nang naitatag.
Bukod kay Sen. Cynthia Villar, pangulo ng Nacionalista party, si Governor Imee Marcos ay nakipag-alyado na rin kay Mayor Sara sa Hugpong. Magpapalakas daw ito sa partido sa hilagang bahagi ng bansa. Pabiro ngang sinabi ng gobernadora na bubuhayin niya ang partido ng kanyang amang si dating Pangulong Marcos, ang Kilusan ng Bagong Lipunan (KBL).
Kaya nawasak ang PDP-Laban kahit kalagitnaan pa lamang ng termino ni Pangulong Digong, dahil basta-basta na lamang pumapasok ang mga taong gustong mapalapit at makakuha ng benepisyo mula sa Pangulo. Wala na iyong seminar muna para maikintal sa isipan ng sasapi ang simulain at prinsipyo ng partido. Hindi na pinagbayad ng membership dues. Pinalobo ng mga political butterfly ang kasapian ng partido. Ngayon, may partido nang sumulpot na higit na malapit sa Pangulo. Sa palagay kaya ninyo, hindi kaya samantalahin ng mga political butterfly ang pagkakataon na ito para magtamasa ng benepisyo?
Kung si Sen. Pimentel lang ang tatanungin, imposible nang mabuong muli ang PDP-Laban. Hindi, aniya, kailangang
makipagsundo sa pangkat ni Garcia dahil wala namang kumikilala dito kundi ang kanilang mga sarili. Nakatulong si Garcia kay Pangulong Digong kung kanino siya papanig. Higit na kumportable ang Pangulo sa Hugpong, dahil bukod sa pinamumunuan ito ng kanyang anak, wala siyang prinsipyong iintindihing tuparin o sasagasaan kundi ang sa kanya.
-Ric Valmonte