Bugbog-sarado ang isang umano’y magnanakaw matapos tangkaing looban ang isang bahay at makumpiskahan pa umano ng hinihinalang ilegal na droga sa Makati City, nitong Linggo ng gabi.

Halos malamog ang katawan sa inabot na gulpi sa mga residente si John Godfrey Taño y Aragon, 29, ng Billeza Street, Barangay Pitogo, Makati City.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente sa Basilan St. sa Bgy. Pitogo sa lungsod, dakong 8:45 ng gabi.

Nauna rito, pinasok umano ng suspek ang nasabing bahay at sinasabing tinangka nitong magnakaw subalit nagawang makahingi ng tulong ang may-ari ng bahay sa iba pang mga residente.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Nagtangka pa umanong tumakas ni Taño ngunit nasakote siya ng mga residente at pinagtulungang bugbugin.

Natigil lang ang pambubugbog sa suspek nang dumating ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-7, at naaresto ang suspek, na minalas pang makapkapan ng isang pakete ng hinihinalang shabu.

Nasa kustodiya na ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang suspek para kasuhan sa Makati Prosecutor’s Office ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165), bukod pa sa trespass to dwelling at attempted robbery.

-Bella Gamotea