SA sagupaan ng mga world rated boxer, nanaig ang walang talong si Edward Heno laban kay Philippine junior flyweight titlist Jesse Espinas via 12-round unanimous decision para mapanatili ang kanyang OPBF light flyweight belt nitong Agosto 11 sa San Pedro Gymnasium, San Pedro, Laguna.

Walang bumagsak sa dalawang matikas na boksingero pero naging pukpukan ang bakbakan sa loob ng 12 rounds at nagwagi si Heno nang paboran ng mga huradong sina Silvestre Abainza, 118-110; Virgilio Garcia, 116-112; at Gil Co, 117-111.

Napaganda ni Heno ang kanyang rekord sa 13-0-5 na may 5 panalo sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Espinas sa 19 panalo, 3 talo na may 11 pagwawagi sa knockouts.

Inaasahang aangat sa world rankings si Heno na nakalistang No. 8 sa WBC, No. 9 sa WBA, No. 9 sa WBO at No. 13 sa IBF samantalang mananatili naman si Espinas sa kanyang pagkakalista bilang No. 8 sa WBA, No. 12 sa WBC, No. 13 sa WBO at No. 15 sa IBF. - Gilbert Espeña

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!