Limang katao ang nasawi sa Metro Manila, at mahigit 60,000 iba pa ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga bahay dahil sa matinding baha na dulot ng ilang araw nang tuluy-tuloy na malakas na ulan sa Kamaynilaan at sa mga kalapit na lalawigan.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, tatlong katao ang napaulat na nasawi sa Quezon City, habang may tig-isa rin sa Marikina at Maynila.
Kinilala ng pulisya ang ilan sa mga nasawi na sina Dioscoro Camacho, 36, ng Barangay Nangka, Marikina; Gloria Mendoza, 61, ng Bgy. Old Balara; at Gregorio Quilaton, ng Pasig City.
Sinabi ni Eleazar na mayroong 6,218 pamilya o 27,743 katao ang nananatili pa sa 45 evacuation center sa iba’t ibang panig ng Metro Manila, karamihan ay sa Pasig at Marikina, na may kabuuang 5,232 pamilya o 34,384 na katao.
Sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), may kabuuang 35,649 na katao ang inilikas, at halos lahat ay sa Rizal, na may 34,727 katao.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na batay sa aerial inspection ng pulisya, ang Bulacan ang pinakamatinding naapektuhan ng baha.
Ayon sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 82 barangay sa 11 bayan at isang siyudad sa lalawigan ang lubog sa baha hanggang kahapon kasunod ng pagpapakawala ng tubig ng Ipo Dam at Bustos Dam.
Iniulat g National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagpakawala rin ng tubig ang San Roque Dam, Ambuklao Dam, Angat Dam, at Magat Dam, na pawang nasa Northern Luzon.
Sa kabuuan, tinaya ng NDRRMC na may 248,000 evacuees sa Luzon.
Samantala, tinatayang sa Miyerkules pa magiging maaliwalas ang panahon sa Metro Manila, sa paghina ng bagyong ‘Karding’ makaraang mag-landfall sa silangang China kahapon ng umaga.
- Aaron Recuenco, Jun Fabon, Fer Taboy, Freddie Velez, at Ellalyn De Vera-Ruiz