PAGKATAPOS ng retirement ko bilang entertainment editor ng Balita, bukod sa pinagkakaabalahan kong maliit na negosyo ay nagkaroon ako ng pagkakataon para lalo pang makilala si Kris Aquino.

Kris at KCAP Team

Siya ang nag-iisang artista na pinagpaalaman ko nang maayos bago ako nag-retire. Kung bakit, dahil sa lahat ng mga naisulat kong showbiz personality, siya lang ang nangungumusta sa kalagayan ko at maging ng pamilya ko.

Malungkot ang reaksiyon niya.“Ano’ng mangyayari?” tanong ni Kris nang magkasolohan kami pagkatapos ng media conference sa launch ng mga bagong produktong ng Ever Bilena. Nagkataong noon din ang last day ko sa trabaho.

Matapos makaharap si Marian: Sassa Gurl, na-realize 'di siya perpektong tao

“’Wag kang malungkot, ‘di kita iiwan,” natawang sagot ko.“I know!” tiyakang sabi. “Pero ano nga’ng mangyayari?”

“Aasikasuhin ko lang ang expansion ng maliit na family business namin sa Bicol.”

Huminga ng malalim, “Well, that’s life....”

“Me social media naman, mabilis lang magkontakan.”“Keep me posted. Just keep me posted.”Ganito si Kris sa personal level. Parang bata. Madalas kong ikuwento sa mag-iina ko, parang dagdag kong anak.

Pinakamabait sa mabait, pinakamasunurin sa tama, pero huwag mong gagawan ng foul, mapapasubo ka.

Maraming kaibigan ang nagtatanong, paano ko naging kaibigan si Kris Aquino considering na panay ang puna ko sa mga pagkakamali niya noon?

Nililinaw ko naman noon pa, hindi niya dapat sinasayang ang legacy ng mga magulang niya. Super intelligent si Kris, kaya alam niyang constructive criticism ang mga isinulat ko.

Nagyaya siya ng dinner. Iyon ang simula ng marami pang sumunod hanggang sa matuklasan ko (sa isang staff niya -- dahil ayaw niyang ikinukuwento ito) na may mga pinag-aaral pala siya sa seminaryo at may mga tinutulungang komunidad.

Bukod kina Joshua at Bimby na may trust fund na kaya secured na ang kinabukasan, kasama sila sa mga obligasyon ni Kris. Kaya nagsikap siyang itayo ang kanyang online empire nang iligwak siya ng ABS-CBN. Marami ang nagtatanong, bakit kasi kayod-kalabaw pa rin siya, nagkakasakit na tuloy, mayaman naman na. Ang sagot: Ayaw niyang magpabaya sa mga obligasyon niya.

Dahil marami na ring empleyado pati na sa kanyang food business, kahit wala sa traditional media ay busy siya 24/7.Walang pagkakaiba si Kris sa masisipag na bubuyog. Pabayaan mo lang sa kanilang ginagawa. Huwag na huwag mong iistorbohin, kung ayaw mong makagat.

-DINDO M. BALARES