Nagbigay ang pamahalaan at mga pribadong ahensiya ng P120 milyong relief assistance para sa mga pamilyang sinalanta ng baha sa Metro Manila at ilang probinsiya.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na patutuloy ang pamumudmod ng tulong sa flood victims sa kabila ng masamang panahon.

Ang mga nagbigay ng tulong ay ang Office of Civil Defense (OCD), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), LGUs (local government units), NGOs (non government organizations), and iba pang organisasyon.

Ipinamahagi ang tulong sa Regions I, III, Calabarzon, Mimaropa, Metro Manila at Cordillera Autonomous Region, ayon kay Roque.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na kami sa ibat ibang ahensya ng pamahalaan, sa private sector at volunteers sa kanilang patuloy na pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan,” aniya.

Base sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 961 lugar ang nakaranas ng pagbaha, at bumaba na ang tubig sa 762 lugar.

Gayunman, pinaalalahanan ni Roque ang publiko “na manatiling alerto at ligtas. Sa mga lugar na nakakaranas pa rin ng pagbaha, hinihikayat po namin kayo na manatili sa mga evacuation centers na inihanda ng inyong lokal na pamahalaan.”

“Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng mga ahensya ng gobyerno upang tugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente at siguraduhin ang kaligtasan ng lahat,” dagdag niya.

Nananawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa madla na huwag mag-atubiling tulungan at damayan ang kababayang nabiktima nang malakas na pag-ulan at malawakang pagbaha nitong Sabado.

Ipinag-utos din ni Tagle sa lahat ng parokya sa Archdiocese of Manila na buksan ang mga simbahan sa kanilang lugar at tulungan ang mga residenteng apektado ng mga pagbaha.

Hinimok pa niya ang mga lumikas na residente na pumunta sa mga parokya, diocesan Caritas, social action centers at mga barangay centers na nakahandang tumulong at kumalinga sa kanila.

Tiniyak rin niya sa mga apektado ng baha at pag-ulan na kasama sila sa mga panalangin at mga misa nitong Linggo, upang mailigtas sa kapahamakan.

“Una po sa lahat para sa mga naapektuhan ng ulan, ng baha, kayo po ay kasama sa ating mga panalangin ngayong araw ng Linggo, mula pa ho kahapon, kagabi. Ang mga misa at ang mga panalangin ay may kasama na pakiusap sa Panginoon na alagaan ang mga apektado ng masamang panahon,” ani Tagle, sa panayam ng Radio Veritas.

“Inaanyayahan po ang lahat na patuloy na manalangin para po sa ating mga kapatid na napipinsala at lumapit po sa parokya o kaya po sa mga Diocesan Caritas at Social action Centers kung kayo po ay nangangailangan ng tulong. At para po naman sa mga handang tumulong at tayo po ay tinatawagan na sa iba’t ibang pamamaraan ay maging handa na tumulong ay maki-contact po sa parokya, sa barangay, sa Caritas at sa mga iba’t ibang Social Action Centers,” aniya.

-Genalyn D. Kabiling at Mary Ann Santiago