BAGO at hindi malilimutan ang mga alaalang dala nina Ogie Alcasid at Maja Salvador matapos nilang magtanghal para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Japan, para sa The Songwriter Meets the Wildflower ng The Filipino Channel (TFC) sa Handashi Fukushi Bunka Kaikan, 1-22-1 Kariyado-cho, Handa-shi, Aichi-ken 475-0918 kamakailan.

Todo-bigay ang dalawang Kapamilya stars sa performances nila para sa unang pagsasama nila sa isang concert.

Hindi napigilan ng mga OFW at maging Japanese locals na sumabay sa bawat sayaw ni Maja, kabilang ang hit niyang Dahan-dahan.

‘Tila nagbalik-tanaw naman ang lahat nang awitin ni Ogie ang ilan sa mga pinasikat niyang kanta, gaya ng Kailangan Kita, Nandito Ako, at Ikaw Lamang.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Masaya rin na sinariwa ni Ogie ang huling punta niya sa Nagoya, at nagpasalamat siya na nabigyan siya ng pagkakataon na bumalik doon upang gumawa ng mga bagong alaala.

Ang The Songwriter Meets the Wildflower ang unang TFC Japan show ni Ogie, na bahagi ng selebrasyon ng ika-30 anibersaryo niya sa industriya.

Naantig naman ang puso ni Ogie nang makilala ang Japanese fan niyang si Mori. Nahilig si Mori sa mga awitin ni Ogie simula nang mapakinggan ang mga ito ng asawa niyang Pinay. Katunayan, ang paborito ni Mori na kanta ni Ogie ay ang ‘Wag Ka Lang Mawawala, na malapit din sa puso ng singer.

Kaya upang ipakita ang kanyang pasasalamat, pinagbigyan ni Ogie ang hiling ni Mori na sabay nilang awitin ang ‘Wag Ka Lang Mawawala.

Kakaibang alaala naman ang babaunin ni Maja matapos ang nasabing concert. Bukod kasi sa napasaya niya ang mga manonood, napasaya niya rin ang mga bata sa pangangalaga ng ABS-CBN Foundation Bantay Bata 163.

Habang nakikipagkuwentuhan kasi sa mga manonood matapos ang isang performance, ilang fans ni Maja ang lumapit upang magpa-picture at may nag-abot ng regalo, na iyon pala ay cash.

“Para po may sumayang mga bata, ibigay na lang po natin ito sa Bantay Bata Foundation,” sabi ni Maja.

Bukod kina Ogie at Maja, nagbigay-kasiyahan din ng gabing iyon si Eric Nicolas at ang “Tawag ng Tanghalan” finalist ng It’s Showtime na si Makoto Inoue.