ISANG katotohanan na sa kalendaryo ng ating panahon, ang Agosto bukod sa buwan ng nasyonalismo ay natatangi rin sapagkat ginaganap ang pagpapahalaga sa “Buwan ng Wika”. Ang Komisyon sa Wikang Filipino ang nangunguna sa pagpapahalaga sa wika at may mga inihanda at inilunsad na gawain sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Kasama lagi ang mga paaralan sa buong bansa, pampubliko man at pribado, mga kolehiyo at pamantasan sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. May mga gawain din na inilulunsad bilang pakikiisa sa pagpapahalaga sa ating wika.
Ang wika ay kasangkapang ginagamit ng tao sa pakikipag-unawaan sa loob ng isang pamayanan o bansa, sa palitan ng pagkukuro, balitaan, pagpapahayag ng damdamin, pag-aaral, pagtitipon at pagtuturo at pagsasalin ng karunungan. Ang ideal na gamit ng wika ay magkaunawaan sa pagkakasundo, pagkakaisa, ng kagalingan at kabutihang pangmadla, ng pagpapapahalaga sa kultura at kalinisang-ugali.
Bukod sa mga nabanggit, ang wika ay kasangkapan din sa pag-unlad ng bansa. At upang mahawakan nang mahusay at maangking ganap, kailangang pahalagahan ito. Ihasik sa isipan ng bawat mamamayan ang kahalagahan ng wika.
Ang ating wika noon ay dating kilala sa tawag na PILIPINO na batay sa Tagalog. Ngayon naman ay FILIPINO na batay naman sa isinasaad ng ating Konstitusyon na nahaluan na ng mga salitang likha ng karanasan ng mga Pilipino at ng impluwensiyang pandaigdig. Ang dating pakahulugan sa Pilipino ay binubuo ng dalawang salita: pili (Malay) at pino (Kastila).
Ang mga karanasang pambansa ay nagbigay ng mga salitang mula sa mga kaugaliang panlipunan, pangkabuhayan, pulitika at sa anumang kaugnayan ng mamamayan sa loob ng bansa. Ang mga salitang dala ng impluwensiyang pandaigdig ay nagdaraan sa mga pahayagan, radyo, telebisyon, internet, at iba pang komunikasyong internasyunal na kinasasangkutan ng mga Pilipino.
Ang mga dayalekto tulad ng Bikol, Kapampangan, Hiligaynon, Ibanag, Ilukano, Ivatan, Maranaw, Magindanaw, Pangasinense, Sibuhanon, Samar-Leyte, at Tau-sug ay mapapansin na pawang may salitang nasa Tagalog. Kasingkahulugan, kaanyo o kahambing sa anyo. May ilang kaanyo at kaibang kahulugan.
Ayon sa mga nasaliksik na, sinasabing may 2000Bk, 500 Kpm. 3800 Hlg. 1800 Sb, at 2500 SL ang napansin na gamit sa Tagalog. Mahirap matunton kung Tagalog ang nanghiram o pinaghiraman. Ang pinakamainam na konklusyon dito ay ang pagiging magkakapatid ng mga dayalektong nabanggit. Napansin din na may mga salitang Ibanag, Ivatan, at Tau-sug sa Tagalog, ngunt hindi pa mataya ang bilang sapagkat hindi pa ito nasasaliksik.
Bagamat sinasabing ang Pilipino ay batay sa Tagalog, maaaring isiping may mga salitang Tagalog ang hindi na kailagang gamitin ng Pilipino, lalo na ang mga itinuturing na balbal o slang.
Sa lahat ng mga dayong wika sa Pilipinas, ang Intsik ay pinakamaimpluwensiya, lalo na ang Makaw at Kantones sa larangan ng pagkain, kalakal, paghahalaman, gawain at iba pa. Hindi gaano laganap ang impluwensiya sa Mandarin na wikang kulto ng China. May mga 1500 ang salitang Intsik sa Filipino. Mababanggit na halimbawa ang pansit, siopao, taho, hototay, singsing, susi, hikaw at marami pang salitang Intsik na ginagamit na ngayon.
-Clemen Bautista