“MASYADONG nakalulungkot. [Aabot sa] 6.8 bilyong pisong halaga ng illegal drug ay kumakalat na naman sa ating mga kalye,” wika ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Geneal Aaron Aquino. Hinggil ito sa sinalakay na warehouse ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), customs agent at pulisya sa Unit 4, Lot 1-18, CRS Subdivision, Barangay F. Reyes, General Mariano Alvarez, Cavite. Kasi, wala na silang inabutan kundi ang apat na cylindrical container na walang laman na pinaniniwalaan nilang pinaglagyan ng isang toneladang shabu, na may street value na P6.8 bilyong piso. Naniniwala silang shabu ang laman ng apat na cylindrical container dahil natuklasan ng drug-sniffing dog ang bakas ng droga na nasa loob ng mga ito. Isa pa, katulad ang mga ito ng mga sinidlan ng isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng 4.3 bilyong piso na naunang nasabat ng PDEA sa Manila International Container Terminal (MICT). Naniniwala ang PDEA at Philippine National Police (PNP) na ang nasabat nilang ito ay bahagi ng mga walang laman na cylindrical container sa Cavite.
Sa paunang imbestigasyon, ayon kay Director Aquino, ang ilegal na droga ay nagbuhat sa Taiwan, Republic of China at ginamit lang ng mga sindikato ang Malaysia na kanilang transshipping point. Ang nagdala sa mga sumalakay sa warehouse sa Cavite ay ang haka-haka ni Aquino na mayroon pang katulad ang nasabat nila sa MICT.
Haka-haka lang kaya ni Aquino ang batayan ng kanilang pagsalakay sa warehouse sa GMA, Cavite, kung partikular ang lugar na kanilang tinungo agad? Noon, ang ipinupuslit na kargamento ay ang mga sigarilyong galing sa ibang bansa. Gamit ang mga kumpit o maliliit na bangka, naglalayag ang mga ito sa ating karagatan. Naiulat noon na ang coast guard ay nakasabat ng bangka na may dalang mga kahun-kahong smuggled na sigarilyo.
Pero, ang sumunod na balita ay may mga nakapuslit na drugs, na lulan ng bangka. Iniwan lang pala ito para palabasin na may huli ang coast guard. Maaaring ganito rin ang nangyari sa bulto-bultong shabu na ipinuslit sa ating mga pantalan. Ang nasabat ng PDEA sa MICT ay ipinamigay na lang para mapalabas na may nahuli ito, pero iyong higit na marami na nailabas na sa warehouse sa Cavite ang siyang hinayaang makapuslit.
Ang isyu rito ay hindi iyong nakapupuslit ang droga sa ating bansa. Ang isyu ay ang kredebilidad ng war on drugs ng administrasyon. Marami ng buhay ang nasakripisyo, at patuloy pa ang nagaganap na pagpatay sa hangaring malinis ang bansa ng ilegal na droga. Pero, wala naman itong epekto dahil patuloy pa rin ang pagpasok ng droga na bilyun-bilyon ang halaga.
Hindi war on drugs na pumapatay ang kasagutan sa problemang ito. Sinubukan na ito ni dating Pangulong Marcos nang pamahalaan niya, gamit ang kamay na bakal, ang bansa. Nasaksihan ng lahat ang pagbitay niya kay Lim Seng na umano ay isang drug lord, sa pamamagitan ng firing squad, pero pansamantala lamang napigil ang droga. Ang kahirapan ng buhay ang nagpapayaman sa mga nasa negosyo ng droga.
-Ric Valmonte