DAHIL kulang na ng isang miyembro, inakala ng publiko na disbanded na ang banda for good. Ngunit patuloy ang Apo sa pagtugtog ng kanilang mga awitin, na itinuring nang theme songs ng ating mga buhay, na dahilan kaya minahal sila ng publiko.
Kahit wala na sa grupo ang Apo stalwart na si Danny Javier, inihayag ni Jim Paredes na ipagpapatuloy nila ni Boboy Garovillo ang pagtanggap ng gigs dito sa bansa at abroad, siyempre, nang kakaiba kaysa nakaraan.
Ngayon ay nag-iimbita na sila ng ibang artist para makasama sa pagtatanghal, gaya nina Noel Cabangon, na nakasama nila sa kamakailan sa isang gig.
‘’It was so much fun both for us and the audience,” sabi ni Paredes nang makapanayam kamakailan.
Binanggit din ni Jim na nirerespeto nila ang desisyon ni Danny na lisanin ang grupo, ngunit ayaw na niya itong pag-usapan pa.
Usap-usapan naman na nakatuon si Danny ngayon sa kanyang agri–business.
Itinanggi naman ni Jim na mayroon silang samaan ng loob. Nang tanungin nama kung may posibilidad na mag-reunite ang grupo sa hinaharap, aniya, ‘’Only time can tell”.
Samantala, ang mga paboritong hits ng Apo ay tampok sa kanilang sariling musical, staged by 9 Works Theatrical and Globe Live, na ipinalalabas na ngayon hanggang Agosto 26 sa Maybank Performing Arts Center sa Taguig.
May pagkakahawig ang Apo musical sa mga musical play na batay sa discography ng mga popular na OPM bands, gaya ng Aegis (Rak Of Aegis) at Eraserheads (Sa Wakas).
Aabot sa 15 Apo songs, na pinatutugtog na sa loob ng apat na dekada, ang pinagsama-sama para sa coming-of-age story set noong 1970s.
Ang Eto Na ay inilarawan bilang isang romantic comedy tungkol sa pitong magkakaibigan sa kolehiyo, na sumali sa isang songwriting at singing contest. Marami silang hinarap na problema along the way, bukod pa ang kanilang naranasang pagkasawi sa pag-ibig.
In a way, sabi ni Boboy Garovillo, hindi nalalayo ang istorya ng naturang musical sa istorya ng kanilang grupo. Nabuo at nagsimula ang Apo Hiking Society bilang isang 15-man singing group mula sa Ateneo de Manila High School.
Kabilang sa mga kantang tampok sa musical ang Bawat Bata, Doo Bidoo, Blue Jeans, Batang-Bata Ka Pa, Pumapatak na Naman Ang Ulan, Awit Ng Barkada, at Panalangin.
-NESTOR CUARTERO