SA nakaraang mediacon ng Bakwit Boys, na entry ng T-Rex Entertainment sa 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), natanong si Direk Jason Paul Laxamana kung alin sa dalawang pelikulang idinirek niya ang dapat unahing panoorin.

Si Direk Jason Paul at ang mga bida sa 'Bakwit Boys'

Si Direk JP din kasi ang direktor ng balik-tambalan nina JC Santos at Bela Padilla, ang The Day After Valentine’s, na produced ng Viva Films.

Halimbawa, ang budget ng isang tao ay para sa isang pelikula lang, ano irerekomenda ni Direk Jason Paul na panoorin sa dalawang pelikula niya sa PPP?“Mas todo po ang pag-udyok ko sa tao na mas panoorin ang Bakwit Boys dahil feeling ko po, solid na ang suporta sa JC-Bela movie. Kaya mas kailangan ng tulong itong Bakwit Boys, eh, magtagal sa mga sinehan,” pagtatapat ng direktor.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Parehong Graded A ng Cinema Evaluation Board (CEB) ang Bakwit Boys at The Day After Valentine’s kaya parehong mahusay ang pagkakagawa, at siguradong interesado ang mga ito na panoorin ang dalawang pelikula.

Musical ang Bakwit Boys, pero kaagad na nagpaliwanag si Direk Jason Paul.

“Hindi siya tipong song and dance, kumbaga ‘yung mga songs dito kinakanta nila, kasi banda sila, so may pinapraktis silang kanta na ipinaparinig. For example, ni Nikko (Tuazon) ‘yung isang kanta sa kabanda niya. So, part talaga sila ng characters nila.”

Ito raw talaga ang purpose ni Direk JP, na pawang OPM ang gagamitin sa Bakwit Boys para matulungan din ang music industry.

Malaking parte rin ang musika sa lahat ng tao, tulad nga ng sinabi ng isa sa mga bida na si Devon Seron. Aniya, kapag malungkot siya ay idinadaan niya ito sa kanta.

“Nailalabas mo ‘yung feeling mo thru music, to get to know how the person feels thru his music, kaya I think malaking bagay ito, plus the fact na mahilig din naman akong kumanta at maggitara. Ito po talaga ang first love (musika) ko bago ako mag-artista,” ani Devon.

“Kayang baguhin ng music ang mood mo, kung galit ka, masaya ka, in love ka. Sobrang importante ang music sa ating lahat kaya dapat nakikinig tayo,” sabi naman ni Nikko.

“Personally, sobrang importante sa akin dahil ginagamit ko ito sa pagsasayaw bilang miyembro ng Hashtag. Ito po ‘yung pinagkukunan ko ng income, so sobrang importante talaga ng musika sa akin,” dagdag pa ni Nikko.

Nabanggit din tuloy ni Direk JP na may album na ang Hashtag, at kailan lang ito ini-launch.

Samantala, malaking tulong daw ang pagkanta sa buhay ni Mackie Empuerto, na nanalo sa singing contest. Sa katunayan, isa si Direk Jason Paul sa mga huradong bumoto sa kanya.

“Malaking tulong po kasi nabago ang buhay namin (pamilya). Okay lang po na napupuyat ako sa pagsali sa contest,” ani Mackie.

“Bukod po sa it changes your mood, I think life is a series of memories and music helps for redemption. So, kung may maalala ako nu’ng 2005 dahil sa musika, nu’ng 90’s dahil din sa musika. Parang pabango ‘yan. Kung maalala mo ‘yung isang tao dahil sa pabango niya, ganu’n din ang memorya sa mga napagdaanan dahil sa musika,” say naman ni Ryle Santiago.

At para kay Direk Jason Paul: “Hindi po ako singer, or wala akong alam na tugtugin na musical instrument pero mahilig po talaga ako sa music. Gaya ng sinasabi ko po dati, about 10 years ago, pinagkakaabalahan ko sa probinsiya namin sa Pampanga ay tinutulungan ko itong mga banda, mga independent Kapampangan bands na i-produce ‘yung mga kanta nila. Minsan ako ang humahanap ng fundings para sa studio recording ng awitin nila. Ako ‘yung nagdidirek ng music video nila, inilalakad ko sa Myx, MTV Pilipinas, ganu’n po kaimportante ang music sa akin at musicians.

“Meron siyang healing factor at saka parang mas nakikinig ang tao sa musika kaysa kung sabihin mo lang nang diretso. So, bilang isang culture worker ng time na ‘yun, ginagamit ko ang musika para i-promote ang kultura at salitang Kapampangan sa lalawigan namin. Ginamit ko as medium para mas ma-popularized ‘yung kultura namin sa mga kabataan,” pagtatapos ni Direk Jason Paul.

-REGGEE BONOAN