BACK to normal na ang buhay ni Martin del Rosario pagkatapos ng taping o shoot ng Born Beautiful, kung saan para magmukha siyang babae ay sumailalim siya sa body wax. Balbon pa naman si Martin, kaya ma-imagine ninyo ang dami ng buhok at ang sakit ng prosesong pinagdaanan niya para lang pakinisin siya.
Bawal din ang muscles habang ginagawa niya ang Born Beautiful, kaya tumigil siya sa pagwu-workout at pagpunta sa gym. Pero dahil tapos na ang taping ng proyekto, balik na ang muscles at balahibo sa buong katawan ni Martin.
Nang makausap namin ang aktor sa taping ng Hindi Ko kayang Iwan Ka, puro balahibo na uli siya at halata na uli ang muscles. Sabi nito, lumiit ang katawan niya habang ginagawa ang Born Beautiful.
“Tama kayo, back to normal na uli ako, hindi na ako nag-aayos at nagdadamit-babae at hindi na nagsusuot ng high heels at nagme-make up. Ang hirap palang maging babae. Eh, dito sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka, lagi lang akong naka-t-shirt at maong at walang make-up. At least, naranasan kong maging girl,” wika ni Martin.
Natawa lang kami sa sinabi ni Martin na dahil HIV+ patient ang role niya sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka, minsan, ang feeling niya, may HIV na rin siya.
“Nagustuhan ko ang role ko sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka, hindi bida at hindi rin kontrabida. Character role siya na gusto kong ipagpatuloy. Ang mga ginagampanan ko ngayon, drug addict, rapist, bad boy, gay role na okey lang sa akin. Pero, pahinga muna ako sa gay role after Born Beautiful,” sabi ni Martin.
Ano ang lesson ng karakter niyang si Lawrence sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka?
“Siguro, ang ‘wag sumuko sa lahat ng problema at kung may kasalanan, matutong humingi ng sorry na ginawa ko as Lawrence kay Thea (Yasmien Kurdi) sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka,” pagtatapos ni Martin.
-Nitz Miralles