ISINUSULONG ng administrasyong Duterte ang pederalismo o ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan, gayundin ang Charter change (Cha-cha) para palitan ang 1987 Constitution. Sa pinakahuling survey ng SWS, lumabas na 67 porsiyento ng mga Pilipino ang tutol sa pederalismo at Cha-cha. Ngunit sa kabila ng pagtutol ng maraming Pilipino, pursigido pa rin ang rehimeng Duterte na isulong ang pederalismo. May ahensiya ng pamahalaan na gagawa ng imformation campaign sa pederalismo upang lubos itong maunawaan ng ating mga kababayan. Balak ng Malacañang na maglaan ng P90 milyon para dito, at ang P10 milyon ay mapupunta sa Presidential Communicatins Operation Office (PCOO).
Bagamat hindi pa ganap na isinagawa ang information campaign sa pederalismo, si PCOO assistant secretary (ASEC) Mocha Uson, matapos ibilang information campaign team ng pamahalaan, ay gumawa ng promosyon. Sa pamamagitan ito ng “pepe-dede-ralismo” video. Ang nasabing video sa pederalismo ay tinampukan ng malaswang sayaw at awit, kasama ang isang blogger co-host. Tampok sa dance number ng blogger ang paghipo sa kanyang dibdib at pundilyo sabay bigkas ng “i-pepe-i-pepe-dede-ralismo”.
Sa halip na makatulong sa information campaign, inulan at umani ng batikos ang video sa pederalismo, pati si Asec. Uson sa social media. Hindi rin nakaligtas si Asec. Uson sa mga mga maaanghang na puna ng mga mambabatas lalo na kay Senador Koko Pimentel, na kilalang advocate ng pederalismo at kaalyado ni Pangulong Duterte. Ang video sa pederalismo ay tinawag niyang “bullshit”. Bagamat inendorso ni Senador Pimentel si Asec. Uson na makabilang sa campaign team ng pederalismo, inamin ng senador na siya’y nagkamali. Hindi niya lubos na akalain na bababuyin ni Asec. Mocha ang pederalismo. Dapat lumayas na si Uson sa pederalismo at mag-aral muna ito.
Binatikos din ni Senate President Tito Sotto ang nasabing video. Ayon sa Senate President, dapat siniseryoso ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan at ang theatrical techniques ay hindi maaari sa isyu ng pederalismo, hindi rin nakaligtas mula sa puna nina Senate President Protmpore Ralp Recto, Sen. Francis Escudero, Pamfilo Lacson, JV Ejercito at Grace Poe si Asec. Uson.
Patuya namang sinabi ni Sen. Recto na si Asec Uson ang perfect endorser ng pederalismo at sagisag si Uson sa mga taong pumapabor sa pederalismo.
Sinabi naman ni Sen. Ping Lacson na dapat rebisahin ni Uson ang 1987 Constitution para palitan ng pederalismo. At kahit wala si Uson, patay na ang pederalismo sa Senado at hinihintay na lamang na ito’y sunugin. Kasama si Uson, ang mga abo ay dapat itapon nang malayung-malayo sa Pilipinas at sa 7,107 magaganda nitong isla. Para naman kay Sen. Francis Pangilinan, dapat magpaliwanag si PCOO Secretary Martin Andar sa mga kalaswaan at kababuyan sa kanyang tanggapan, na ginagawa ng kanyang mga tauhan na gamit ang pondo, oras at kagamitan ng gobyerno.
Ayon naman kay Bicol Rep. Rodel Batocabe, sa halip na matupad ang layunin ng pederalismo, ang video na ginawa ni Uson ay lumikha ng iba’t ibang interpretasyon, at ang pinalutang ay ang pribadong bahagi ng katawan ng babae--ang “pepe” at “dede”.
Sa pahayag naman ng tambolero ng Malacañang, napakalamig daw ng dating ni Pangulong Duterte sa isyu na ginawa ni PCOO Asec Uson. Bahala na raw si Uson na sagutin ang mga tanong sa kanya, bahala na rin umano siyang humingi ng paumanhin sa ginawa at alisin ang video sa kanyang blog. Ayon pa sa tambolero ng Malacañang, sa halip na tuligsain ang video ng pederalismo ay magharap na lamang ng mga reklamo ang mga nagnanais at sasagutin ito ng Presidential Management Staff. Reaksiyon tuloy ng iba nating kababayan, iba talaga si Mocha Uson. Kumbaga sa karne, lamang kapit sa buto. Maging ang pinuno ng Philippine Imformation Agency (PIA) ay hindi natuwa at nagpahayag ng pagtutol sa ginawa ni PCOO Asec. Uson. Sinabi nitong kailangan niyang humingi ng public apology, mag-leave sa trabaho at isipin ang kanyang ginawa. Ayon pa sa PIA Director General, ang ginawa ni Uson ay hindi lamang insulto sa kanilang propesyon sa komunikasyon at public information, kundi pinababa rin ni Uson ang dangal ng mga kababaihan at ng mga ina sa ating mga pamayanan.
-Clemen Bautista