NAKABAWI si Japanese world rated Keita Obara nang mapatigil sa 3rd round si Filipino Alvin Lagumbay para muling maangkin ang WBO Asia Pacific welterweight title kamakalawa ng gabi sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.

Na-groogy si Lagumbay nang tamaan ng matinding kanan ni Obara kaya kaagad itinigil ni Japanese referee Yuji Fukuchi ang sagupaan eksaktong 1:08 ng 3rd round.

Matatandaan naagaw ni Lagumbay kay Obara ang WBO title noong nakaraang Abril 12 sa parehong lugar nang dalawang beses niyang mapabagsak ang Hapones kaya itinigil ng referee ang laban sa 2nd round.

Napaganda ni Obara ang kanyang kartada sa 20-3-1 na may 18 panalo sa knockouts samantalang bumagsak ang rekord ni Lagumbay sa 10-3-0 na may 9 pagwawagi sa knockouts.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tiyak na mawawala si Lagumbay bilang No. 15 contender kay WBO welterweight champion Terence Crawford ng United States samantalang aangat si Obara na kasalukuyang No. 8 ranked kay IBF 147 pounds titlist Errol Spence Jr. na isa ring Amerikano.

Sa undercard ng sagupaan, natalo rin ang Pilipinong si ex-WBA Asia bantamweight titlist Jestoni Autida sa kontrobersiyal na 8-round split decision sa matangkad na si Japanese No. 9 featherweight Ryoichi Tamura.

Nagwagi si Autida sa score card ng Japanese judge na si Kazuo Abe, 77-76 pero natalo siya sa mga huradong Hapones rin na sina Akihiro Katsuragi at Yuji Fukuchi sa parehong iskor na 77-76.

-Gilbert Espeña