GRADED A sa Cinema Evaluation Board (CEB) ang Bakwit Boys, bagong pelikula ni Jason Paul Laxamana na entry sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) under T-Rex Entertainment.Pinagbibidahan ng young performers na sina Devon Seron, Vance Larena, Nikko Natividad, Mackie Empuerto at Ryle Santiago, ang kuwento ng Bakwit Boys ay sumasalamin sa diwa ng mga Pilipino na nananatiling matatag ang loob sa kabila ng mga unos.

Si Direk Jason Paul at ang mga bida sa 'Bakwit Boys'

Tungkol ito sa pagkakaudlot ng pangarap ng apat na magkakapatid na bumubuo sa kanilang family band dulot ng super typhoon na sumalanta sa kanilang bayan sa Isabela.

Napilitan silang lumikas sa Pampanga upang makitira sa lolo nila.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Para kumita ng pera na maitutulong sa grandfather, nagkaisa silang itanghal sa pista ng lugar ang isa sa kanilang original composition.

Humanga sa performance nila ang rich girl na si Rose (Devon) na may passion sa music at tinulungan silang makapagrekord para mapatugtog ang awitin nila sa radyo.

Pero tulad ng reyalidad, hindi madali ang pagbabanda. Laging nagkakasalu-salungat ang mga personal na interes at nagkakaubusan ng pasensiya ang mga miyembro. Nadidiskaril ang pangarap dahil hindi lang naman literal na unos ang sumasalanta, pati na unos ng mga kalooban at ugali.

Sa trailer pa lang, tulad ng mga naunang pelikula ni Direk Jason Paul ay napakakinis ng mga kuha at fluid ang storytelling. Inspirational ang Bakwit Boys at mairerekomenda sa kabataan at maging sa buong pamilya.

Isa sa pinakamahuhusay na Pinoy writer-filmmakers si Jason Paul. Mahirap makalimutan ang kanyang 100 Tula Para Kay Stella, ang personal na paborito namin sa mga pelikula niya. Marunong siyang bumalangkas ng moments. Mataas ang batting average ni Direk Jason Paul, hindi katulad ng karamihan sa ibang mga direktor natin na parusa sa mga manonood ang karamihan sa ginagawang pelikula. Strength niya ang heartfelt na pagkakasulat ng kuwento at buhay na buhay na characterization ng mga bida niya.

May weakness lang si Direk Jason Paul, ang pakikipag-away niya sa mga kritiko at sa netizens. Kaya marami ang nawawalan ng ganang manood sa pelikula niya. Kung maiiwasan niya ito, mas gagaan ang appreciation ng moviegoers sa kanya at sa magagandang trabaho niya.

Importante rin ang kritisismo sa growth ng artist, para itong sinag ng araw o malalakas na bagyo na lalong nagpapatibay sa lumalaking puno.

Napakatayog pa ng itataas ng puno ni Jason Paul Laxamana kung matututo siyang sumayaw sa malalakas na hangin sa industriya.

Mapapanood sa mga sinehan ang Bakwit Boys at ang iba pang mga kasali sa PPP sa Agosto 15-21.

-DINDO M. BALARES