Ayaw isuko ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang kanyang posisyon sa Partido Demokratiko ng Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) kay Atty. Rogelio Garcia, dahil kailangang paghirapan muna ito ng huli.
Nilinaw kahapon ni Pimentel, presidente ng PDP-Laban, na bagamat hindi siya kapit-tuko sa posisyon sa partidong kinabibilangan ni Pangulong Duterte, naniniwala siyang hindi karapat-dapat si Garcia para pumalit sa kanya.
Nakipagpulong nitong Huwebes ng gabi si Pimentel at ang iba pang opisyal ng PDP-Laban kay Pangulong Duterte, chairman ng partido, at sa paksiyong pinamumunuan ni Garcia, na una nang inihalal bilang presidente ng partido sa isang assembly noong nakaraang buwan bilang kapalit ni Pimentel.
Kasunod nito, nagsagawa naman ng mass oathtaking ang paksiyon nina Pimentel at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, habang plano ni Pimentel na magsampa ng kaso sa mga may pakana ng aniya’y ilegal na asembliya.
Sa kabila ng pamamagitan ng Pangulo, hindi pa rin niya nagawang mapagkasundo ang magkakalabang paksiyon ng partido, kaya nagtakda ng panibagong pulong sa Setyembre 1.
“‘Di naman ako kapit tuko sa position at titulo. Pero bakit ba siya ang kakain sa itinanim inani linuto at hinanda namin? Bakit siya?” saad sa text message ni Pimentel sa media, tinukoy si Garcia. “Kung ang kakain ay kasama naming naghirap sa pagpapalaki ng partido ay wala tayong masasabi d’yan. ‘Wag naman ‘yung short cut at jackpot agad. Magbanat din po ng buto.”
Sinabi ni Pimentel na hindi kailangang makipagkasundo sila sa grupo ni Garcia dahil “no one recognizes them except themselves.”
Kinumpirma kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pulong at ang pagtatakda ng isa pa sa susunod na buwan.
“Ang sabi po ni Presidente mag-usap-usap sila, usap-usap lahat, at pagkatapos, I think sa Setyembre magpupulong uli,” ani Roque. “Tapos kung talagang hindi kakayaning magkasundo ay puwede naman pong maghiwa-hiwalay.”
-Vanne Elaine P. Terrazola, Argyll Cyrus B. Geducos, at Leonel M. Abasola