Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapalit at pagpapatibay sa 33-anyos na Adriatico Bridge sa Malate, Maynila halos isang taon ang nakalipas nang bumigay ito dahil sa isang nakaparadang overloaded na truck ng basura.
Pinangunahan ni DPWH Secretary Mark Villar ang muling pagbubukas ng tulay kahapon.
Ginastusan ng DPWH ng P44 milyon ang pagpapalit sa 14-metrong Adriatico Bridge na sumasaklaw sa kabuuang rekonstruksyon ng nasirang reinforced box culvert, na ngayon ay may pinalawak na carriageway at nadagdagan din ang load capacity.
“To accommodate more traffic volume, we have widened Adriatico Bridge from four lanes to six lanes and increased its maximum allowable weight from 10 tons to 20 tons,” ani Villar.
Ang inayos na tulay ay may mas mataas nang elevation at mas malawak na daluyan ng tubig sa Estero de San Antonio Abad at maibsan ang baha sa itaas ng tulay, lalo na sa paligid ng St. Scholastica, St. Benilde at De La Salle Universities.
-Mina Navarro