Muling nananawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa halos 400,000 Pilipinong hindi dokumentado sa Malaysia na samantalahin ang iniaalok ng gobyerno nito na voluntary repatriation/deportation program bago matapos ang buwan.

Ayon sa DFA, hanggang sa Agosto 30 na lamang ang alok na ito ng Malaysian government kaya dapat na kaagad ayusin ng mga kababayan ang kanilang estado sa naturang bansa dahil seryoso ito sa ikinakasang crackdown laban sa undocumented foreign/immigrants.

“We appeal to our undocumented kababayan in Malaysia to take this opportunity to be able to return to their loved ones in the Philippines without jail time or fines,” apela ni Philippine Ambassador to Kuala Lumpur Charles C. Jose.

“Our assistance to those in need has been there and is continuing so I appeal to our kababayan to take the voluntary deportation offer before August 30,” aniya pa.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Sa ilalim ng programa, pinapayagan ang mga hindi dokumentadong dayuhan na umalis sa Malaysia nang hindi magbubuno ng kaukulang pagkakakulong o magbayad ng maraming multa.

Paliwanag ni Jose, kailangan laman magbayad ng discounted penalty na 300 Malaysian ringgit kahit matagal nang overstaying at 100 ringgit naman para sa exit fee.

“From January 2016 to June 2018, the Philippine Embassy has assisted roughly 50,000 Filipinos under this program by way of issuance of travel documents and the payment of exit fees and one-way airfare to the Philippines,” pahayag ng ambassador.

Nitong Hunyo 30, sinimulan ng Malaysian government ang kanilang programa upang payagan ang mga kuwalipikadong undocumented foreign workers na mag-apply ng valid working permits at ayusin ang kanilang estado sa bansa.

Sa kabila ng maigting na information campaign ng Embahada upang magparehistro, sinabi ni Ambassador Jose na nasa 8,000 Pilipino pa lamang o 2% ng tinatayang bilang ng kababayan sa Malaysia ang nag-apply sa rehiring program.

Ayon kay Jose, ang mga Pinoy na nais kumuha ng programa subalit walang valid passports ay dapat magtungo sa Embahada para sa interview at processing ng travel documents.

-Bella Gamotea