Pinayuhan ni Senator Grace Poe ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pag-aralan munang mabuti ang pagpapatupad ng pagbabawal sa mga single-passenger car sa EDSA.

Aniya, dapat na magkaroon ng koordinasyon ang MMDA sa mga local government unit (LGU) sa Metro Manila, at magsagawa ng mga dry run at maayos na alituntunin sa implementasyon nito.

“Ang masasabi ko lamang ay huwag padalos-dalos. Baka puwedeng magkaroon ng isang araw na subukan nila ‘yan kung ano ang mangyayari at magkaroon ng bukas na pagdinig. Kasi hindi puwedeng unilateral at sasabihing ‘o ngayon ganito na’. Magkaroon muna ng trial period, tapos tingnan natin kung ito ba’y magiging epektibo,” ani Poe.

Inaprubahan na kasi ng Metro Manila Council, na binubuo ng mga alkalde sa Metro Manila, ang balak ng MMDA na ipatupad sa EDSA ang nasabing polisiya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Poe na dapat ay linisin muna sa mga ilegal na istruktura at illegally parked na sasakyan ang mga secondary street bago ipatupad ang nasabing polisiya.

Aniya, sa ibang bansa ay maaari ito dahil may mga alternatibong ruta, pero sa atin ay kinakailangan munang linisin sa mga obstruction ang mga secondary street.

“Unless you can guarantee na ang mga illegally parked vehicles dun sa Mabuhay Lanes ay tatanggalin ninyo at malilinis ninyo in coordination with local governments, huwag kayong basta-basta magsasabi na hindi na puwedeng dumaan sa EDSA. Dapat in coordination ‘yan (with LGUS). Malinis na ba ang side routes na daraanan? Kayo ba’y nagkaroon na ng trial period para siguraduhin kung ano ba ang magiging epekto nito?” ani Poe.

-Leonel M. Abasola