NAGLILIGPIT ako ng aking mga abubot sa bahay nito lamang Martes ng gabi, nang mapansin kong nakapako sa panonood sa live streaming sa computer ang aking anim na taong gulang na apo, na kagaya ng kanyang lolo ay mahilig magkutingting ng mga electronic gadget.

Pangkaraniwan sanang tanawin ito para sa akin, ngunit nang marinig ko ang sunud-sunod na malulutong na pagmumura mula sa kanyang pinanonood ay napatakbo ako upang ilayo siya sa harapan ng monitor at sabay na hininaan ko naman ang volume nito.

Waring nalilito ang apo kong si David Uno sa kanyang pinanonood. “Galit si President Digong sa mga pulis kaya minura niya sila. Pero bad ang magmura ‘di ba Papa Dave?” ang parang naguguluhang tanong niya sa akin.

Mariin ang naging sagot ko: “Masama talaga ang magmura kahit galit na galit ka pa” sabay karga sa kanya at dinala ko sa may sala para doon siya manood ng TV.

Pero para namang tukso na pagbukas ko ng TV ay nakapako pala ito sa paborito kong istasyon na ang palabas ay ang balita hinggil sa pagsabon na ginawa ni Digong sa mga “pasaway” na pulis - umaalingawngaw ang sunud-sunod na PI ni Pangulong Digong -- sa mahigit na 100 mga tiwaling pulis na aktibo sa serbisyo, kasama na rito ‘yong kamakailan lamang ay nasangkot sa kidnap-for-ransom sa Taguig.

Sabi nga, “mixed emotion” ako ng mga oras na iyon – natutuwa ako sa pagsermon at pagsabon ni Pangulong Digong sa mga “pasaway” na pulis na ito, sa loob-loob ko: “Dapat lang at kulang pa nga ang mura sa mga ‘iyan!”

Sa ikalawang banda naman, ay nag-iisip ako kung paano ko ipaliliwanag kay Uno na ‘di niya dapat gayahin ang napanood at narinig niyang pagmumura ng ating Pangulo dahil lamang sa galit na galit ito sa mga scalawag sa Philippine National Police (PNP). Kabilin-bilinan din kasi ng kanilang mga guro sa paaralan na MASAMA ang pagmumura.

Inagaw niya sa akin ang remote ng ROKU (isang modernong gadget na ikinakabit sa TV para mapanood mo ng libre ang maraming pelikula at mga palabas sa YouTube) sabay lipat sa paborito niyang panoorin – ang MINECRAFT.

Buntong-hininga lang ang aking nagawa, sabay balik sa aking “work station” upang tapusin ang panonood sa live streaming ng “sabunan blues” sa loob ng palasyo.

Inabutan ko pa ang mga pagmumura at pagbabanta ni Digong na papatayin niya ang mga tiwaling pulis na puro kahihiyan ang idinulot sa PNP, dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang kaso ng katiwalian at krimen. Ganyang-ganyan din si Digong noong mga panahong inumpisahan niya ang kanyang “giyera laban sa droga” sa buong bansa – ang banta niya laban sa mga sangkot sa droga na pulitiko, pulis at mga opisyales ng barangay. May mga natumba na rin sa mga ito, nguni’t mas marami pa rin ang napatay na itinuturing na mga “dagang dingding” lamang sa ating lipunang ginagalawan.

Nangako naman si PNP chief Director General Oscar Albayalde na lalong paiigtingin ang cleansing process sa kanilang hanay – pag-aaralan na rin kung may butas ang kasalukuyang recruitment process ng PNP – upang ganap na masala ang mga baguhang pulis at masimot naman ang lahat ng mga tiwaling pulis na nasa serbisyo pa sa ngayon. Ani Albayalde, wala nang pag-uusapan pa kapag may matinding ebidensiya laban sa isang pulis – siguradong sibak at dismiss agad sa serbisyo ang mga ito!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].

-Dave M. Veridiano, E.E.