BINATIKOS ni dating Pangulong Noynoy ang strategy ng administrasyong Duterte sa isyu ng West Philippine Sea. Hindi dapat, aniya, isantabi nito ang napanalunan ng bansa laban sa China sa Permanent Arbitration Court Sa Hague bilang kapalit ng mga nauutang dito. Masakit na pinagwikaan naman ni Foreign Secretary Peter Alan Cayetano ang dating Pangulo. “Nakakalungkot naman na pinili ni Aquino na banggitin niya ang kanilang nakakalbong ulo sa paghiling niya ng transparency sa Malacañang hinggil sa sigalot sa Beijing sa 370-kilometer exclusive economic zone ng bansa. Samantalang pareho tayong nawawalan ng buhok, ang administrasyon mo ay nawalan ng kontrol ng Scarborough at malaking oportunidad para palawakin ang turismo, imprastraktura at agrikultura. Nawalan din tayo ng oportunidad para sa kooperasyon sa larangan ng siyensiya, teknolohiya, proteksyon ng kapaligiran dahil sa iyong pamamaraan,” sabi ni Cayetano sa kanyang bukas na liham sa Facebook Account. Hinamon din ng kalihim ang dating Pangulo na ihayag sa publiko ang naging resulta ng past back-channel talks sa pagitan ng Manila at Beijing na pinamunuan ni Senator Antonio Trillanes.
“Pinatunayan ni Secretary Cayetano ang kanyang pagiging political snake. Nangyari ang panatag standoff noong 2012 nang si Cayetano ay matapat pang kaalyado ng administrasyong Aquino, kaya wala siyang nakitang mali sa pagresolba ni PNoy ng isyung ito,” sabi naman ni Sen. Trillanes. Ang misyon daw niya ay hindi naging lihim kay Cayetano. “Pero para sa nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan, tulad ni Cayetano, sa ikasiyam na pagkakataon, uulitin ko ang naging papel ko bilang backchannel negotiator,” wika ng Senador.
Hinirang ako, aniya, ni Aquino noong kasagsagan ng standoff na kaharap ng iilang barko ng Philippine Navy at Coast Guard sa Panatag Shoal ang 80 hanggang 100 barko ng China. Ang kanya raw misyon ay pahupain ang tension sa Shoal, partikular iyong bawasan ng China ang kanyang barko. Hindi sakop ang isyu ng soberanya at hindi kailanman ito pinag-usapan. “Sa maiklang pananalita, nagtagumpay ako dahil binawasan lang sa tatlo ng China ang kanyang barko na nasa labas pa ng Shoal.”
May natutunan na naman tayo na bagong salita. Ang lagi nating naririnig noon ay ang political butterfly. Ito iyong mga pulitikong palipat-lipat ng partido depende kung saan sila makikinabang. O kaya, iyong mga pulitikong namirmi muna sa isang partido, pero nang ito ay parang barko na nanganganib nang lumubog, ang mga pulitikong tinaguriang political butterfly ay lulundag na sa partidong malakas o may kakayahan na dalhin sila.
Ang political snake, kung wawariin mo ang pagkahulugan ni Trillanes sa ginawa ni Cayetano, ay iyong walang utang na loob. Bukod sa binabalewala na niya ang napakinabangan niya sa dati niyang partido o nakasama at nakahanap na ito ng bago, sa hangad niyang maging mabango, o maipakita ang kanyang katapatan dito, ay babatikusin naman niya ang dati niyang partido o nakasama. Ang matindi, alam na nga niyang mali ang kanyang batayan, masakit pang magsalita. Ang political butterfly ay puwedeng tumagal, pero ang political snake baka hindi, dahil tinalikuran ka na, kinagat pa ang kamay ng nagpala sa kanya.
-Ric Valmonte