MAAARING nagdulot ng katakut-takot na batikos ang “I-pepe, i-pepe, i-dede, i-dede, pede, pede, pederalismo” information video na binuo ni Mocha Uson dahil sa pagiging “bulgar,” “malaswa,” “marumi,” at “karima-kimarim”, ngunit sa isang banda ay tiyak na nakapukaw ito ng atensiyon para ipakilala ang pederalismo sa maraming sektor ng bansa na dating walang ideya hinggil dito.
Isa lamang sa bawat apat na Pilipino o 25 porsiyento ang nakaaalam sa mungkahing pagpapalit sa pederal na sistema ng pamahalaan, ayon ito sa pinakahuling pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) nitong Hunyo. Habang sinabi ng natitirang 75% na nalaman lamang nila ang tungkol dito nang sumagot sila sa survey.
Panahon ito kung saan maraming agarang isyu ang bumabagabag sa mga tao—ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang nagpapatuloy na kampanya laban sa ilegal na droga at samahan pa ng maraming pagkamatay ng mga naaresto, ang teolohikal na palitan ng komento ng Pangulo at ng mga pinuno ng relihiyon, ang mga pagbaha, ang pagkakasibak sa napakaraming opisyal, ang pagpapalit ng liderato sa Kamara, at marami pang iba. Dahil sa mga balitang ito, naisantabi ang pederalismo mula sa atensiyon ng sambayanan.
Sa gitna ng lahat ng mahahalagang isyu, biglang umugong ang inihandang video ni Assistant Secretary Uson ng Presidential Communications Operations Office, na sa katunayan ay unang hakbang para sa P90 milyong kampanya para sa impormasyon upang maipakilala at maunawaan ng mga tao ang isyu at makuha ang loob para sa ideya ng pederalismo.
Tunay na malawakang nakaagaw ng atensiyon ang video, maaaring negatibo, ngunit atensiyon pa rin. Sunod na pagsisikap—ang mga pampublikong pagtitipon, artikulo sa media, pagpupulong sa mga komunidad, talakayan sa klase, debate at iba pa—ay kailangan nang tumuon ngayon sa konsepto ng pederalismo at ang mga kaugnay nitong isyu na humantong sa hakbang na baguhin ang Konstitusyon.
Mismong si Pangulong Duterte ang nagsusulong ng hakbang na rebisahin ang ating kasalukuyang Konstitusyon ng 1987 at ibigay sa bansa ang pederal na sistema ng pamahalaan, unang-una upang bigyan ang mga malalayong rehiyon sa bansa, lalo’t higit sa rehiyon ng Moro sa Mindanao, ng mas malaking oportunidad upang umangat at umunlad.
Ngayon na nagdulot ng malawakang atensiyon ang video ni Mocha Uson para sa ideya ng pederalismo, ang ibang mga bagay kaugnay sa dinastiya, pagtataksil, karapatang pantao, at iba pa., gayundin ang mahalagang isyu kung kinakailangan nga bang palitan ang kasalukuyan natin Konstitusyon, ay marapat lamang na malawakang pag-usapan sa mga susunod na buwan.