LEGAZPI CITY, Albay – Nagbantang magbibitiw sa puwesto ang kalihim ng Department of Science and Technology (DoST) sakaling tuluyang mapasailalim ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa isinusulong na Department of Disaster Resilience (DDR).

Nasa Albay para sa 2018 Regional Science and Technology Week nitong Miyerkules, inamin ni DoST Secretary Fortunato T. dela Peña na kapag naisabatas na ang DDR, wala silang magagawa kundi tumalima rito, pero mas pipiliin niyang umalis na lang sa serbisyo.

Sa press conference, tinanong si dela Peña kung pabor siyang ilipat ang PAGASA at Philvolcs sa panukalang DDR, at sinabi niyang tutol siya rito, pero handa namang tumalima ang DoST.

Nang tanungin sa magiging epekto ng nasabing paglilipat ng kagawaran, sinabi ng kalihim na magbibitiw na lang siya sa puwesto kapag hindi na siya masaya, at hindi na nagpaliwanag pa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aminado naman si PAGASA Deputy Administrator Jun Dalida na labis na maaapektuhan ang kanilang ahensiya kapag nagkataon.

“Kami rin will be very sad kapag naalis kami sa DoST family, and of course lalo na siguro ang aming secretary na mawawala si Ed (Phivolcs resident volcanologist, Ed Laguerta),” ani Dalida.

“Actually ang DDR is composed karamihan ng mga response team, at kaming dalawa ng Phivolcs at PAGASA ay nasa warning agencies. So, siguro dapat review natin kasi iba kasi ‘yung set-up ng response team sa warning agency. Siguro baka may other remedy. Kung kami ang tatanungin, ayaw din namin,” sabi ni Dalida.

Batay sa panukalang DDR, mapapasailalim sa bagong kagawaran ang ilang ahensiya at tanggapan, gaya ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Health Emergency Management Bureau, gayundin ang PAGASA at Phivolcs

-Niño N. Luces