SA gitna ng mga pagdududa at ingay na nakadadagdag pa ng kalituhan sa waring determinadong pagkilos upang amyendahan ang ating 1987 Constitution, ang tungkulin ng provincial media, hiwalay sa national media, ay laging nakaliligtaan, sinasadya man o hindi.
Sabihin na nating talagang limitado ang sirkulasyon ng mga lokal na pahayagan sa mga lalawigan ngunit lamang pa rin sila sa paghahatid ng mga balita sa taumbayan sa radyo man o peryodiko, kapag pinagsama-sama.
Sa totoo lang, ang mga peryodista sa mga lalawigan ang nagsu-supplay ng mga istorya na nailalathala sa malalaking peryodiko at mga tabloid sa bansa at naisahihimpapawid din ng mga estasyon ng radyo at telebisyong nakabase sa Kamaynilaan.
Kahit sa social media, dinadala din ng mahuhusay na media players ang kanilang balita sa cyberspace, kung kaya nakararating sa kaalaman ng mga netizen ang mga nangyayari sa kanilang kinalalagyan. Totoong aktibong kalahok ang provincial media sa pagpapakalat ng mga balita.
Ang paggamit ng kanilang talino at suporta sa pagtuturo sa publiko hinggil sa Charter Change (Cha-Cha) ay isang mapaghamong tungkuling maaari nilang lahukan. Gayunman, kailangang madagdagan muna ang kanilang kaalaman tungkol sa lehislatibong inisyatibong ito.
Hindi tuwina’y may nahahawakang diyaryo ang mga taga-lalawigan. Sa radyo at TV sila umaasa ng balita tungkol sa mga kaganapan sa bansa na nakasentro sa Maynila. Ang provincial media naman ang nagpupuno ng kakulangang impormasyon nila.
Maaaring sukatin ang bisa ng community media sa pagpapahayag ng mga taga-probinsiya ng kanilang mga saloobin at pananaw tungkol sa Cha-Cha. Makaaambag naman sa pambansang talakayan ang kanilang mga pahayag at mungkahi.
Kung tutuusin, hindi naman todong probinsiyano ang provincial press; lokasyon lamang nila itong kinalalagyan sa labas ng Kamaynilaan. Hasa din sila sa pagtalakay ng mga isyu dahil marami sa kanila ay matagal ding nanungkulan sa mga pambansang diyaryo at broadcast media.
Ang Cha-Cha ay hindi lamang tungkol sa pag-aamyenda ng mga probisyon sa Saligang Batas; tungkol ito sa mga “constitutional adjustments” na dapat ay katig sa taumbayan at sumasalamin ng kanilang sentimiyento. Ang TIYAK ay hindi natin maaaring ipaubaya ito sa mga pulitiko lamang na marami ay may makasariling adyenda, na taliwas sa totoong kapakanan ng publiko.
Nananatiling sandigan ng impormasyon sa bansa ang provincial media. Mayroon ding mga tiwali at mapagsamantalang mga rural media players, ngunit hindi sila kasindami ng mga walang pag-asang bulok na pulitiko, na hindi nahihiyang ipagmalaki ang kanilang integridad upang itago ang kanilang mga kaduda-dudang ginagawa.
-Johnny Dayang