NAGSIMULA na ang pagpapalit ng anyo ni Alden Richards sa Victor Magtanggol—mula sa pagiging Victor ay naging Hammerman siya.
Tinutukan ng mga netizens noong isang gabi ang pagbibigay ng mahiwagang Mjolnir, ang compass na ipinagkaloob ni Magnus (Miguel Faustmann), ang anak ni Thor ng Norse mythology, kay Victor. Si Magnus ang nagtuturo kay Victor kung ano ang gagawin niya.
Si Alden man ay humanga sa kanyang transformation, dahil pulido ang pagkagawa ng effects nang isa-isang nababalot siya ng costume, hanggang sa tinawag siyang Hammerman dahil sa Mjolnir na hawak niya.
Tinupad ni Direk Dominic Zapata ang pangako niya sa mga televiewers noong i-launch ang action-drama-fantasy series, na papantay ito sa standards ng mga viewers ngayon.
Hindi basta-basta ang nakakabilib na CGI sa pagpapalit ng costume ni Alden, na naka-focus ang camera sa paglabas ng armor ni Hammerman. Maging ang mga hibla ng tela na kumakapit sa katawan ni Victor ay nakita sa serye. Sa pagpapalit ang anyo ni Victor, siguradong iba’t ibang effects pa ang ipakikita nila.
Talaga namang kilala ang GMA-7 sa paggawa nila ng mga telefantasya, simula pa sa unang Mulawin at sa unang Encantadia. Maingat sila na walang maipipintas sa kanila ang mga televiewers lalo na iyong mga nakakaintindi sa pinapanood nila.
“Kaya po inspirado ako sa paggawa ng Victor Magtanggol,” sabi ni Alden. “Hindi ko nga po in-expect na ganito ang magiging execution ng pagpapalit ng character ni Victor sa pagiging Hammerman. Akala ko sa pagbasa ko pa lamang ng script, ganung-ganoon lamang, pero iba na kapag ginagawa na namin. Kaya sana po ay huwag silang bibitiw dahil marami pa kaming io-offer sa kanila.”
Bukod nga sa action, may mga drama scenes din sa Victor Magtanggol. Bumalik na sa Pilipinas si Victor, pero naiwan niya sa Canada ang inang si Vivienne (Coney Reyes). Kailan muling magkakasama-sama ang pamilya ni Victor at hindi na siya magsisinungaling sa totoong nangyayari, para lamang hindi masaktan ang kanyang mga kapatid?
Ang Victor Magtanggol ay napapanood gabi-gabi pagkatapos ng 24 Oras
-NORA V. CALDERON