TATLUMPU’T-ISANG taon na akong kumakayod bilang isang mamamahayag.
Ilang taon na lang ay magkakaroon na rin ang ko ng senior citizen’s card.
Marami na akong nasaksiha nakakikilabot na kaganapan sa pagtugon sa aking propesyon bago ako tuluyang nagretiro sa main stream media at naging fulltime motorcycle editor ng isang tanyag na website.
Totoong nakaka-miss ang print media, lalo na’t ito ang aking kinaginasnan nang ako ay magsimulang magtrabao bilang isang police reporter noong Enero 1987 sa Manila Bulletin. Agad din akong nag-cover sa Department of National Defense (DND) kaya’t noong mga panahong iyon ay ‘naglalagare’ ako sa pagitan ng dalawang naglalakihang kampo sa EDSA – Camp Crame at Camp Aguinaldo.
Marami sa mga kaganapan na naninikit pa rin sa balahibo ng aking ilong ay mga kaguluhang naganap sa Mindanao.
Sa pagsisimula ko sa Manila Bulletin, halos hindi ko na mabilang ang mga karahasan sa pagitan ng mga rebeldeng Muslim, komunista at kahit mga bandido sa katimugang bahagi ng Pilipinas ang aking nasubaybayan.
Sa tuwing ako’y bibiyahe sa Mindanao upang mag-follow up ng mga pag-atake ay parang bumaon na sa aking isip na tila hindi na makababangon ang rehiyon na ito sa karahasan at kahirapan. Awang-awa ako sa mga residente sa lugar.
Ganoon ang Mindanao noon.
Subalit sa aking pagbalik nitong mga nakaraang linggo para sa ilang motorcycle event, iba na ang aking naging pananaw sa Mindanao.
Dahil sa kahusayan ng Yamaha Motor Philippines, matagumpay at mapayapa naming naisagawa ang pagbiyahe sa 1,200-kilometro sa iba’t ibang lugar sa Mindanao sa pagsusulong ng kumpanyang ito sa moto tourism sa bansa.
Ang okasyon ang bahagi ng ‘Tour de Rev’ na ikinasa ng Yamaha sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Natapos na namin ang 1,200km biyahe sa Hilagang Luzon kamakailan at nitong nakaraang linggo, sa Mindanao.
Sakay ng motorsiklo, inikot namin ang Davao City, Davao del Sur, Cagayan de Oro, Butuan City, Surigao del Sur, Compostela Valley, at laking gulat namin nang masilayan ang malaking pagbabago sa rehiyon.
Maging ang mga kalsada ay malalapad at maayos, na tila dinisenyo upang makalapag ang malalaking eroplano.
Ang Davao City ay punung-puno ng aktibidad at dinarayo na ng maraming turista.
Marahil ay malaki nga ang naitutulong ng pagpapatupad sa batas military ng pamahalaan sa Mindanao.
Hindi nagrereklamo ang mga residente roon, pero bakit panay ang putak ng mga taga-Metro Manila hinggil sa martial law sa Mindanao?
Sa aking pagbiyahe sa Mindanao, umaasa akong nasa tamang direksiyon na ang lugar. Sana’y tuluy-tuloy na ito.
-Aris Ilagan