'Tila nag-iba ang ihip ng hangin sa Philippine National Police (PNP) nang magbigay ito ng babala sa publiko na huwag balewalain ang natatanggap na threat messages hinggil sa seguridad.

Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, kinakailangan pa rin ng balidasyon at huwag agarang isantabi ang mga banta sa seguridad na ipinapasa sa pamamagitan ng text, email at sa mga social networks.

“These information are all for validation that’s why we do not take it for granted,” ani Albayalde.

Nitong nakaraang linggo, naglabas ang PNP ng pahayag na ang mga pananakot na banta at pananakot sa seguridad ay dapat na burahin kaagad at balewalain dahil layunin lamang umano nito na maghatid ng takot sa publiko.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ito ay kasunod ng mga pambobomba sa Lamitan City, Basilan; Masbate at Rizal na sinundan ng mga mensahe na nagsasabing mas malaking pagsabog ang nakatakdang mangyari sa isang mataong lugar sa Metro Manila.

Ngayon, naniniwala ang PNP chief na maaaring ituring na intelligence impormation ang mga kumakalat na mensahe.

“Walang pinagkaiba ito sa mga information na kumalat right after the Davao bombing kaya these are all for validation. Ipinapa-validate na natin hindi lang sa NCR [National Capital Region] kundi sa buong Pilipinas,” giit niya.

“Sa ngayon wala pa tayong nakikitang alarm or concern. We have to be on our toes. We have to intensify our intel gathering including our community-based intel monitoring,” aniya.

-Martin A. Sadongdong