IPALALABAS ang Paki, ang itinanghal na Best Picture sa 2017 Cinema One Originals, na tungkol sa pamilya at pag-ibig na haharap sa matinding pagsubok, sa special features section ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), isang selebrasyon na pinangungunahan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Dexter copy

Ipalalabas ang mga pelikulang kalahok sa PPP mula Agosto 15 hanggang 21 sa mga sinehan sa buong bansa.

Umiikot ang family drama na idinirek ni Giancarlo Abrahan sa isang babae na ginampanan ng beteranang aktres na si Dexter Doria na nais iwan ang kanyang asawa at mamuhay bilang matandang dalaga, taliwas sa kagustuhan ng kanyang mga anak.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Habang tumatanda tayo, mas naiintindihan natin ang lahat. Ang mga matatanda ay marunong ding lumaban. Isang selebrasyon ng old age ang pelikula,” kuwento ng aktres sa media conference ng Paki.

Ayon naman kay Giancarlo, ang pelikula ay isang panawagan sa pag-aalala at pag-aalaga. Sa simpleng kuwento ng buhay ng bida na naghahanap ng kalayaan, makikita ang iba’t ibang istorya at kaguluhan ng buong pamilya.

Tampok din sa Paki sina Shamaine Buencamino, Eula Valdes, Ricky Davao, Cielo Aquino, Paolo Paraiso, Ina Feleo, Miguel Valdes, Sari Estrada, Dravin Angeles, Sunshine Teodoro, Thea Yrastorza, at Noel Trinidad.

Bukod sa Best Picture na karangalang nakuha nito sa Cinema One Originals, nasungkit din ng pelikula ang Best Supporting Actor award para kay Ricky at Best Screenplay at Best Director para kay Giancarlo.

Nakuha rin ni Dexter ang Dr. Jaime Gutierrez-Ang Medal of Excellence for Acting mula sa nakaraang Gawad Tanglaw, habang itinanghal namang Best Supporting Actress si Shamaine. Kamakailan ay ginawaran ng Cinema Evaluation Board ng Grade A ang nasabing pelikula.