IKINOKONSIDERA ni Senador Cynthia Villar ang paggamit ng P10 bilyon bilang pondo ng rice competitiveness enhancement, upang matulungan ang mga magsasaka sa mekanismo at paglikha ng magandang binhi.

Ayon kay Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food, ang hakbang na ito ay para matulungan ang mga magsasakang maaapektuhan ng pagbabasura ng quantitative restriction (QR) sa importasyon ng bigas.

Ipinaliwanag din ni Villar na kinakailangan liberalisahin ng gobyerno ang pag-aangkat ng bigas at tanggalin ang proteksiyon sa mga polisiya bilang tugon sa obligasyon sa World Trade Organization (WTO).

Ang QR ay isang ‘preferential trade deal’ na nakuha ng Pilipinas matapos itong maging kasapi ng WTO noong 1995, iniiwasan nito ang pagdagsa ng murang bigas mula sa ibang mga bansa upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka mula sa dayuhang kompetisiyon. Ilan taon na ring ipinapatupad sa bansa ang QR ngunit pinili nitong hindi magpatuloy sa WTO noong Hunyo ng nakaraang taon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang pag-alis ng QR ay nagbibigay daan para sa mga mangangalakal na mag-angkat ng dagdag na dami ng bigas mula sa mga bansang nasa Southeast Asia sa 35 porsiyentong taripa. Ang nakolektang taripa ang ginagamit upang mapondohan ang mga malaking irigasyon, mga warehouse at rice research.

Ipinunto ni Villar na ang pagliliberalisa ng mga inangkat na bigas ay matagal nang napagtibay ng Pangulo bilang ‘urgent’ upang “to help ease inflation and bring down prices of the food staple by as much as PHP7 per kilo.”

“This is also one of my focus,” aniya sa isang panayam nitong Biyernes, sa ginanap na oath-taking ng mga miyembro ng Hugpong Pagbabago sa Tagum.

Una nang sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na aabot sa P20 bilyon ang kinakailangang gugulin ng pamahalaan para maipatupad ang programa upang tulungan ang mga magsasaka.

Gayunman, sinabi ni Villar na ang panukalang P10 bilyon ay gamitin bilang inisyal na alokasyong lalo’t lahat naman ng taripa galing sa bigas ay mapupunta sa competitive enhancement fund.

“PHP 10 billion muna tapos lahat ng tariffs pasok ng pasok sa competitive enhancement fund,” ani Villar.

Nakikita ng senador ang pangangailangan ng magsasaka para sa mekanismo at paglalabas ng magagandang uri ng binhi upang maitaas ang produksiyon mula apat na tonelada patungong anim na tonelada kada isang ektarya.

Makatutulong din ang mekanisasyon upang mabawasan ang labor cost, na kalahati ng kabuuang gastos sa produksiyon, aniya.

Para kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas sa pamamagitan ng batas ng rice tariffication bill na kasalukuyang nakabimbin sa Kongreso ay kailangan upang makaagapay sa mahihirap na pamilyang apektado ng inflation, lalo’t 20% ang konsumo nila ay galing sa bigas.

Aayon umano ang panukalang-batas sa social mitigation measure na ipinapatupad ng pamahalaan upang umagapay sa bugso ng inflation sa mahihirap na sektor.

Naaprubahan na ng appropriation committee ng Kamara ang pondo para sa bersiyon ng rice tarification bill, habang kasalukuyan pang dinidinig sa Senado ang katumbas nito.

PNA