Humingi ng paumanhin sa mga pasahero ang pamunuan ng Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT3) dahil sa pagtulo ng air-conditioning unit (ACU) ng isang southbound train nito, noong Martes ng hapon.

Ang aktuwal na pagtulo ng ACU at ang pagpapayong ng mga pasahero sa loob ng umaandar na tren ay nakuhanan ng video at nag-viral pa, matapos na i-upload sa social media ng isang pasahero.

Kaagad namang humingi ng paumanhin ang DOTr-MRT3 sa nasabing mga pasahero.

“We sincerely apologizes for the inconvenience brought to passengers by a leak from one MRT-3 airconditioning unit yesterday (August 7) afternoon,” post ng DOTr-MRT3 sa Twitter at Facebook.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Paliwanag nito, 2008 pa nang palitan ng MRT ang mga ACU nito, bilang bahagi ng first general overhaul ng sistema, o walong taon matapos na magsimula ang operasyon ng naturang train system noong 2000.

Aminado naman ang DOTr na hanggang sa kasalukuyan ay tatlo pa lang sa kabuuang 72 tren ng MRT ang naisailalim sa general overhaul.

Tiniyak naman ng kagawaran na nakabili na ito ng mga bagong ACU, na dadagdagan pa ngayong buwan, upang maiwasang maulit ang nangyari.

-Mary Ann Santiago