PH cagers, angat sa China; nanalasa sa FIBA U-18 tilt
NONTHABURI, Thailand – Senelyuhan ng Team Philippines-Batang Gilas ang dominasyon sa Group B elimination nang pabagsakin ang liyamadong China, 73-63, nitong Martes ng gabi para makausad quarterfinals ng FIBA U-18 Asian Championship sa Nonthaburi Stadium dito.
Sa pangunguna nina 7-foot-2 Kai Sotto at 6-foot-10 Fil-Nigeria AJ Edu, nadomina ng Pinoy cagers ang karibal sa kabuuan ng laro at naitarak ang 60-47 bentahe may anim na minuto ang nalalabi sa laro.
Sa kabila nang huling kikig ng Chinese squad, may sapat na lakas ang Nationals para masawata ang 12-0 run ng karibal na nagpadikit sa iskor sa 65-59 may 2:21 sa laro.
Naisalpak ni point guard Dalph Panopio ang jumpshot para mapanatili ng Nationals ang kapit sa liderato, bago nasundan sa magkasunod na puntos nina Sotto at Edu para sa 69-59 kalamangan tungo sa huling 60 segundo.
Habang nagbubunyi ang mga kababayang Overseas Workers, nagawang maisalba ng Pinoy cagers ang tangkang rally ng China na tinampukan ng three-pointer ni Weize Jiang para mailapit ang iskor sa 68-62 may 38 segundo sa laro.
Naisalpak ni Miguel Oczon ang apat na free throws, habang kumana ng isang free throw si Edu para tuluyang selyuhan ang ikatlong sunod na panalo ng Nationals sa four-team Group B elimination.
Pansamantala munang magpapahinga ang Nationals, habang hinihintay ang resulta nang iba pang laro sa group elimination upang malaman ang makakaharap sa knockout quarterfinals simula sa Huwebes ng gabi.
Pinangunahan ni Dave Ildefonso ang ratsada ng Nationals sa naiskor na 18 puntos, mula sa mataas na 50 percent shooting at may pitong rebounds, habang kumubra si Edu ng 13 puntos, 14 rebounds at limang blocks.
Nag-ambag si Panopio ng 12 puntos, walong rebounds, tatlong assists at isang steal, habang kumubra si Sotto ng 11 puntos, 10 rebounds at apat na blocked shots.
Gahibla ang bentahe ng Philippine Team sa first half, 31-27, bago nakalayo ang Batang Gilas sa 54-39, matapos higitan ang China, 23-12, para sa 54-39 kalamangan papasok sa fourth quarter.
Nanguna si Haowen Guo sa China sa naiskor na 24 puntos, habang humirit sina Haoran Jiang at Quanze Wang ng 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Iskor:
BATANG GILAS (73) – Ildefonso 18, Edu 13, Panopio 12, Sotto 11, Oczon 11, Torres 5, Abadiano 2, Cortez 1, Ramirez 0, Amsali 0, Lina 0, Chiu 0
CHINA (63) – Guo 24, Jiang Q 14, Wang Q 13, Xu 7, Jiang W 5, Shi 0, Li 0, Chen 0, Wang Y 0
Quarterscores: 18-15, 31-27, 54-39, 73-63