NASA unang pahina ng pahayagan nitong Sabado ang larawan ng tatlong inidoro na magkakatabi at walang man lang harang sa isang pampublikong palikuran sa isang istasyon ng Philippine National Railways (PNR) sa may España Street, sa Maynila. Maaaring nakapagpangiti ito sa ilang mambabasa na siguro’y napaisip kung paano makikitungo ang mga hindi naman magkakakilala sa panahon ng kagipitan. Ngunit sa katunayan, ang larawang ito ay naglalantad sa lahat kung gaano kalaking bahagi ng P296 milyong pondo para sa mga palikuran sa mga pambansang terminal sa bansa ang maaaring nagamit sa maling paraan sa ilalim ng proyekto ng dating administrasyong “Kayo ang Boss Ko.” Taong 2012, inilunsad ang proyekto para sa pagpapatayo at pagpapaganda ng ilang libong palikuran sa mga paliparan, pantalan, istasyon ng tren at mga bus sa buong bansa.

Sa ulat ng Commission on Audit (CoA) noong 2017, sinasabing kalahati lamang ng proyektong palikuran ang natapos nitong Disyembre, 2017. At nasa 254 pa ang hindi natapos habang 87 ang napabayaan na lamang. Tatlong inidoro na walang harang ang nadiskubre sa istasyon ng PNR sa España, tatlo pa ang natagpuan din sa linya ng Caloocan-Dela Rosa, at maaaring sa iba pang terminal kung saan nagdesisyon ang mga kumontrata na bawasan ang gastos para sa kapakanang moral.

Madali lamang matukoy kung sino sa apat na national contractors ang may pananagutan para sa nabanggit na pasilidad. Ngunit mas mahirap ang magiging trabaho ng Department of Transportation (DoT) sa bagong administrasyong Duterte, na pinamumunuan ni Secretary Arturo Tugade, sa pagtukoy kung paano naging ganito ang kinahinatnan ng proyekto. Sinisisi sa ulat ng CoA noog 2017 ang “poor project management” na hindi sana mangyayari kung walang pakikialam ng ilang gobyerno, ito man ay dahil sa kapabayaan o tahasang sapakatan.

Matagal na dapat natapos ang proyektong ito noong panahon pa ng dating administrasyon at “expediting the project’s completion was not an option for us,” pahayag ni DOTr Communications Director Goddes Libiran.

Ang maaaring gawin ngayon ng DoTr ay inspeksyunin ang lahat ng mga palikurang proyekto sa buong bansa at alamin kung anong maaaring magawa upang malagyan man lang ng harang at mabigyan ng “privacy” ang mga nakabuyangyang na palikuran tulad ng nasa España, sa Maynila at Dela Rosa, sa Caloocan. Maaaring may iba pang katulad nito sa ibang mga lugar sa bansa.