NAKA-SCHEDULE kahapon ang first day taping ng bagong Afternoon Prime ng GMA-7 na My Special Tatay, na pinagbibidahan ni Ken Chan. Tuesday nang nakuha ni Ken ang script for week one, at masaya siyang nag-post sa social media: “Finally got my pilot week script for MY SPECIAL TATAY. Soon on GMA Afternoon Prime.”

Ken copy

Panibagong challenge ang haharapin ni Ken sa pagganap sa role ni Boyet, isang binatang may mild intellectual disability na mahaharap sa hamon ng pagiging ama. Bago mag-taping, nag-immersion si Ken at si Direk LA Madridejos sa Independent Living Learning Center sa Mandaluyong para obserbahan kung paano kumilos at magsalita ang mga may kagaya sa kalagayan ng karakter na gagampanan ni Ken.

“Sobrang excited ako sa bagong challenge sa pagiging artista ko, at sa tingin ko, mas mahirap gampanan ang role at karakter ni Boyet kaysa kay Joey sa Destiny Rose. Kaya aasa ako sa suporta ni Direk LA at ng writers at sobra akong thankful sa tiwala at suporta ng GMA-7. Pagbubutihan ko ito,” pangako ni Ken.

Tsika at Intriga

JC De Vera, na-offend sa 'biro' ni Alex Gonzaga

Gumaganap na mother ni Ken sa My Special Tatay si Lileth at lola niya si Carmen Soriano na parehong ikinatuwa ng nanay at lola ni Ken.

“Si Ms. Lileth kasi, idol ng mama ko at pinupuntahan pa niya sa That’s Entertainment dati para lang makita. Si Ms. Carmen naman ay idol ng lola ko, kaya natuwa sila nang malamang kasama ko rito sa My Special Tatay. Nagpaalam na nga silang dadalaw sa taping, hindi para ako’y dalawin, kundi para makita sina Ms. Lileth at Ms. Carmen,” patuloy ni Ken.

Malaki rin ang pasasalamat ni Ken sa pagdating ng My Special Tatay, malaki ang maitutulong ng talent fee niya para sa hospital bills ng amang may stage 2 esophagus cancer. Nang makausap namin si Ken sa storycon, ibinalitang naka-confine pa ang ama sa Cardinal Santos Medical Center.

“Hoping si Papa na gagaling siya at maaalis ang tumor sa esophagus niya. Sabi ng doctor, mas pag-asa pang gumaling siya. Malakas din ang paniniwala ni Papa na gagaling siya, lalabanan daw niya ang sakit niya at nagpi-pray kami para gumaling siya,” pagtatapos ni Ken.

This August na ang airing ng My Special Tatay, kapalit ng Hindi Ko Kayang Iwan Ka. Kasama rin sa cast sina Candy Pangilinan, Jillian Ward, Bruno Gabriel, Arra San Agustin, Isabelle de Leon, Teresa Loyzaga, at marami pang iba.

-Nitz Miralles