Mga Laro Ngayon

(UPHSD Gym, Las Pinas)

2:00 n.h. -- SSC vs UPHSD (jrs)

4:00 n.g. -- SSC vs UPHSD (srs)

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Standings W L

Lyceum 7 0

San Beda 4 0

Letran 4 1

Perpetual. 2 2

San Sebastian 3 4

Arellano 2 3

Mapua 2 4

St.Benilde 2 4

EAC 1 4

Jose Rizal U 0 5

SISIKAPIN ng season host University of Perpetual Help System Dalta na mapanatili ang pagkakaluklok sa top four habang magpipilit namang makasingit ang San Sebastian College sa kanilang pagtutuos ngayong hapon sa maaksyong edisyon ng NCAA on Tour ng Season 94 basketball tournament sa UPHSD Gym sa Las Pinas.

Manggagaling ang Altas sa kabiguan nang patupiin ng nangungunang Lyceum of the Philippines University Pirates, 77-91, nitong Biyernes na nagbaba sa kanila sa fourth spot taglay ang patas na markang 2-2 .

Nakabalik naman sa winning track ang Stags buhat sa dalawang dikit na pagkabigo makaraang pataubin ang Mapua Cardinals, 94-70, nitong Martes para umangat sa fifth spot taglay ang barahang 3-4.

Ang magwawagi sa salpukan ng dalawang koponan ngayong 4:00 ng hapon na magsisilbing huling pagdaraos ng “NCAA on Tour,” ngayong season ay uupong No. 4 sa standings kasunod ng LPU (7-0), reigning back-to-back titlist San Beda (4-0) at Letran (4-1).

Ayon kay Perpetual Help coach Frankie Lim, kailangan nilang maging consistent sa kanilang laro upang maibalik ang dating porma.

“We had mental lapses. We can’t play like that and expect to win,” ani Lim na tinutukoy ang kanilang second quarter meltdown sa nakaraan nilang laban kontra Lyceum.

Muling sasandig ang Altas sa tambalan nina Nigerian slotman Prince Eze at playmaker Edgar Charcos.

Sa panig naman ng Stags, sisikapin nilang mabitbit ang momentum mula sa naging panalo nila kontra Cardinals.

“We just have to make do with what we have,” ani SSC mentor Egay Macaraya patungkol sa suspensiyon ng team na ipinataw sa kanilang ace guard na si RK Ilagan.

-Marivic Awitan