Pitong pasahero ang natagpuang patay habang walong katao pa ang nawawala nang lumubog ang isang bangkang de motor malapit sa hangganan ng Malaysia, sinabi ng Philippine Coast Guard nitong Miyerkules.

Hanggang kahapon ay patuloy na sinusuyod ng Coast Guard rescue team ang baybayin ng Siamil malapit sa Malaysian border matapos nilangkumpirmahin na isang bangkang de motor na may sakay na 16 na pasahero ang lumubog noong Hulyo 30, 2018.

Isang pasahero lamang ang nakaligtas sa insidente, ayon kay Captain Armand Balilo, PCG spokesman.

Sinabi ng lone survivor na kinilalang si Ibrahin Hassan Mandul sa mga awtoridad na patungo ang bangka sa Sempornah, Sabah, Malaysia mula sa Sitangkai Tawi-tawi nang hampasin ito ng malalaking alon at lumubog.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Naagnas na ang pitong bangkay nang matagpuan ng mga lokal na mangingisda sa Sitangkai Reefs. Kaagad na inilibing ang mga bangkay sa Sitangkai, alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim, ani Balilo.

Karamihan sa mga pasahero ay mga bata, nasa edad 7 hanggang 17 anyos, habang lima ang matatanda, kabilang ang operator ng bangka.

Kinilala sila ng mga awtoridad na sina Marida Darmasiyun, 70, babae; Muin Tahil, boat operator, 53, lalaki; Nurhuda Albain, 53, babae; Hassan Hussin, 53, lalaki; Rasia Ami, 48, babae; Alnajib Tahil, 17, lalaki; Aldison Tahil, 16, lalaki; Adzfar Tahil, 15, lalaki; Jenny Iborahim, 13, babae; Mahnuda Albain, 10, babae; Ru-Inda Darmasiyun, 9, babae; Amira Faizal, 8, babae; Adzral Hussin, 8, lalaki; Fairul Faizal, 7, lalaki; at Liya Husin, 7, babae. Silang lahat ay pawang residente ng Tawi-Tawi.

Hindi pa makukumpirma ng PCG kung sinu-sino sa mga pasahero ang kabilang sa mga nawawala at mga namatay.

-Betheena Kae Unite