KINAILANGAN naming i-double check kung talagang legit account ni Coco Martin sa Instagram ang nag-like sa ipinost na picture ni John Estrada na naka-costume bilang Loki, ang karakter nito sa Victor Magtanggol.
Nang bisitahin ang IG account ni Coco, bukod sa may two million followers ay verified pa ng Twitter ang nasabing account dahil may blue check sa dulo ng pangalan ng aktor. Ibig sabihin, legitimate at official IG account nga ni Coco ang nag-like sa Loki photo post ni John.
Walang comment si Coco, basta nag-like lang siya sa picture ni John na hindi nakaligtas sa netizens. Ang comment nila, nanonood daw pala si Coco ng Victor Magtanggol?
Baka naman hindi nanonood ng Victor Magtanggol si Coco, kaibigan niya kasi si John na matagal din sa ABS-CBN. Nagustuhan lang siguro ni Coco ang photo ni John bilang main contravida ni Alden Richards sa bagong telefantaserye ng GMA-7 na katapat naman ng FPJ’s Ang Probinsiyano ni Coco.
Speaking of Victor Magtanggol, mapapanood na ang telefantaserye sa HOOQ simula August 16. May teaser na ito at may announcement ang HOOQ kasama ang iba pang shows na ipalalabas this month.
-NITZ MIRALLES