Inihayag ng Manila Electric Company (Meralco) na magtataas ito ng mahigit dalawang sentimos kada kilowatt hour (kWh) sa singil sa kuryente ngayong Agosto.
Ayon sa Meralco, ang P0.0265/ kWh na dagdag singil sa kuryente ay nangangahulugan ng P5.30 na dagdag sa bayarin ng mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, at P7.95 naman para sa kumokonsumo ng 300 kWh.
Aabot naman sa P10.60 ang dagdag sa bayarin ng mga bahay na nakakagamit ng 400 kWh sa isang buwan, at P13.25 naman para sa mga kumokonsumo ng 500 kWh.
Nabatid na ito na ang ikalawang sunod na buwan na nagpatupad ng dagdag-singil ang Meralco.
Ikinatwiran naman ng Meralco na ang pagtataas ng singil ngayong Agosto ay dahil sa pagmamahal ng kuryente galing sa kanilang mga supplier.
-Mary Ann Santiago