Sugatan ang isa umanong carnapper matapos makipagbarilan sa awtoridad habang arestado ang dalawa nitong kasabwat, sa entrapment operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Unang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center bago inilipat sa National Orthopedic Hospital ang suspek na si Mark Anthony Copiaco, 38, ng No. 104 Palaganas Zigzag Hills, Meycauayan, Bulacan, dahil sa tama ng bala sa kaliwang tuhod.
Pinosasan naman ang kanyang mga kasabwat na sina Edmon Lanante, 31; at Mark Anthony Cruz, 38, kalugar ni Copiaco.
Una rito, nagtungo si Jayson Aries Soriano sa opisina ni Police Senior Insp. Jose R. Hizon, head ng Station Investigation Unit (SIU), at sinabing may ibinebenta sa kanyang kotse si Copiaco sa halagang P50,000.
“Pinayuhan po ako ng friend ko na ipagbigay-alam ko daw sa mga pulis bago ko bilhin yung sasakyan kasi nga ang mura. Baka daw karnap kaya ganun ang presyo,” sabi ni Soriano.
Aniya, sa isang supermarket sa Bgy. Dalandanan ang kanilang meeting place para kunin ang sasakyan at ibigay ang pera.
Ikinasa ni Hizon ang entrapment operation at unang dumating si Soriano, kasama ang mga pulis na nakatambay sa besinidad ng supermarket, dakong 2:00 ng madaling araw.
Makalipas ang ilang sandali, dumating ang mga suspek at sa aktong nagbabayaran ay lumapit ang mga pulis ngunit nanlaban si Copiaco at pinaputukan ang awtoridad subalit walang tinamaan.
Dahil dito, nagdesisyon ang mga pulis na barilin ang suspek at duguang bumagsak si Copiaco.
Narekober sa mga suspek ang isang cal. 22, na kargado ng apat na bala; tatlong piraso ng plaka, mga driver’s license; at ang kotseng ibinebenta.
Kinasuhan ang mga suspek ng illegal possession of fire arms and ammunitions at anti-carnapping law.
-Orly L. Barcala