NAKABALIK sa winning track ang San Sebastian College-Recoletos matapos pataubin ang Mapua University, 94-70, kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 94 Men’s Basketball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Nagposte ng career game si Alvin Capobres na umiskor ng 21 puntos, 17 dito ay isinalansan nya sa second half katulong si Allyn Bulanadi na mayroon namang all around effort na 14 puntos, 6 rebounds, 5 assists, at 3 blocks upang pamunuan ang nasabing panalo ng Stags.
Pinangunahan ng 3rd-year swingman ang inilatag ng koponan na 14-2 run na nagbigay sa San Sebastisn ng 57-45 na kalamangan mula sa huling pagkakatabla ng iskor sa 43-all.
Nakabangon ang Stags mula sa dalawang dikit na pagkatalo at umangat sa barahang 3-4.
Gayunman, walang kasiguruhan kung mapanghahawakan ng San Sebastian ang kasalukuyang marka dahil sa kinakaharap nilang problrma.
Posibleng bawiin ang kanilang mga naipanalo, depende sa magiging desisyon ng pamunuan ng liga hinggil sa natuklasang paglalaro ng isa nilang player na si RK Ilagan sa isang “ligang labas” bago magsimula ang season na mahigpit namang ipinagnsbawal ng NCAA.
-Marivic Awitan