KAHIT natalo sa kanyang huling laban sa Russia, muling makikipagsapalaran si one-time world title challenger Eden Sonsona para harapin ang walang talong si Ravshanbek Umurzakov ng Uzbekistan sa walong round na sagupaan sa DIVS, Ekaterinburg.

Huling lumaban si Sonsona sa parehong lugar noong Mayo 5, 2017 kung saan ginapi siya sa 5thround TKO ng wala ring talong si world rated Evgeny Chuprakov kaya nahablot nito ang bakanteng WBO Inter-Continental super featherweight title.

Lumikha ng ingay sa boksing si Sonsona noong Mayo 16, 2015 nang patulugin niya sa loob ng dalawang rounds ang dating walang talong si WBC Fercarbox junior lightweight champion Adrian Estrella para maiuwi ang bakanteng WBC International Silver super featherweight title sa sagupaan sa San Luis Potosi, Mexico.

Aakyat na sa lightweight division si Sonsona at mabigat na pagsubok sa kanya ang Uzbek fighter na si Umurzakov na may perpektong rekord na 4 panalo, 3 sa pamamagitan ng knockouts.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

May kartada ang 29-anyos na si Sonsona na 36-8-2 na may 13 pagwawagi sa knockouts at nag-aambisyong makabalik sa world rankings.

-Gilbert Espeña