Umaasa si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde na kusa nang susuko at hindi manlalaban ang apat na dating kongresista na kasalukuyang pinaghahanap sa kasong murder, para na rin umano sa kanilang kaligtasan.

HANDS OFF! Isa ang babaeng ito sa mga nagprotesta sa tapat ng Batasang Pambansa upang ipanawagan ang rekonsiderasyon sa pag-iisyu ng warrant of arrest laban sa Batasan 4 na sina Satur Ocampo, Teddy Casino, Liza Masa, at Rafael Mariano. (MARK BALMORES)

HANDS OFF! Isa ang babaeng ito sa mga nagprotesta sa tapat ng Batasang Pambansa upang ipanawagan ang rekonsiderasyon sa pag-iisyu ng warrant of arrest laban sa Batasan 4 na sina Satur Ocampo, Teddy Casino, Liza Masa, at Rafael Mariano. (MARK BALMORES)

Tinanggap din ng PNP Chief ang alok na P1 milyon pabuya mula sa Citizen’s Crime Watch (CCW) upang mapabilis ang proseso ng paglilitis sa kasong murder na kinasasangkutan nina National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Liza Maza, dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, at dating Bayan Muna Party-list Reps. Satur Ocampo at Teddy Casiño. Kapwa rin dating party-list representatives sina Maza at Mariano, para sa Gabriela at Anakpawis, ayon sa pagkakasunod.

Nilinaw naman ni Albayalde na hindi “dead-or-alive bounty” ang nasabing halaga kundi para sa impormasyong makatutulong para sa pag-aresto ng apat na wanted.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“Huwag naman sana mangyari ‘yung sinasabi na lumaban, although wala naman silang history na ganyan,” ani Albayalde.

“The reward of P1 million for information leading to the arrest of Satur Ocampo, Rafael Mariano, Liza Maza, and Teodoro Casiño should encourage would-be informants to provide relevant information on the whereabouts of these wanted persons. Although the reward offer is not officially part of the government reward program, I must clarify that this is not a dead or alive bounty but monetary compensation for information provided,” paliwanag niya.

Hindi naman naiwasang mapataas ang kilay ng ilang mambabatas ng oposisyon at mga lider ng militanteng grupo dahil sa pabuyang ibinigay ng CCW, kahit pa naihain na ang motion to dismiss sa kaso na hindi naman umano tinanggihan ng prosekusyon.

Una nang binatikos ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate ang nasabing pabuya at sinabing isa lamang itong “cheap political stunt and vendetta” habang “lame publicity stunt” naman ito para kay Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Renato Reyes.

Iginiit naman ni Albayalde na tinutupad lamang nila ang kanilang tungkulin dahil naglabas na ang korte ng arrest warrant.

Habang isinusulat ang balitang ito, nananatiling walang malinaw na impormasyon sa kinaroroonan ng apat na wanted, bagamat patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng joint tracker teams mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI).

Ipinag-utos ang pag-aresto sa apat na dating kongresista dahil umano sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagkamatay ng isang Bayan Muna supporter, na tumiwalag at sumapi sa karibal nitong grupo ng Akbayan ilang taon na ang nakalilipas.

-Martin A. Sadongdong