Dahil sa labis na pagkadismaya, binatikos kahapon ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III si Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson sa lumabas na video nito tungkol sa federalism, na tinatampukan ng malaswang sayaw at awitin ng kasama nitong blogger co-host.

Kilalang federalism advocate at kaalyado ni Pangulong Duterte, sinabi ni Pimentel na nagkamali siya nang akalaing makakatulong si Uson sa pagpapaliwanag ng gobyerno sa publiko tungkol sa layuning gawing federal ang sistema ng pamahalaan, matapos niyang mapanood ang viral video ni Uson.

“Ako ay nagkamali! Akala ko makakatulong si Mocha sa pagpapaliwanag tungkol sa Pederalismo,” sinabi ni Pimentel sa mga mamamahayag nang usisain siya tungkol sa kontrobersiyal na video.

‘HINDI KO AKALAING BABABUYIN’

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Pimentel, inakala niyang magpapatulong si Uson sa isang may awtoridad na may “more knowledge on federalism”, partikular na sa mga miyembro ng Consultative Committee (Con-Com) ng Pangulo.

“Di ko lubos akalain na bababuyin pala nila ang kawsa ng Pederalismo. Ilayo na si Mocha sa Pederalismo. Mag-aral muna siya nang mabuti. Mag-leave muna siya,” sabi ni Pimentel.

“I am not angry but disappointed that the best and the brightest appointed to this government can come up with only that kind of bulls**t. Even without the dance and the song, listen to the statement they read. Mali-mali pa ang substance!” ani Pimentel.

Tinuligsa rin ni Senate President Vicente Sotto III ang nasabing video at sinabing dapat na sineseryoso ang pagpapalit ng sistema ng pamahalaan at “theatrical techniques could not work for such an issue of federalism.”

Umani rin ng batikos si Uson mula kina Senate President Pro Tempore Recto, Senators Francis Escudero, Panfilo Lacson, JV Ejercito, at Grace Poe.

ANDANAR PINAGPAPALIWANAG

Nais naman ni Sen. Francis Pangilinan na magpaliwanag si PCOO Secretary Martin Andanar sa “mga kalaswaan at kababuyan na nangyayari sa kanyang tanggapan na ginagawa ng mga tauhan niya gamit ang pondo, oras, at kagamitan ng gobyerno.”

Nabastusan din sa “Pepedederalismo dance” sina AKO-Bicol Party-List Rep. Rodel Batocabe, Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel, at CIBAC Party-List Rep. Sherwin Tugna.

Bago pa ang reaksiyong ito ng mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno, ilang araw nang inuulan ng batikos si Uson mula sa netizens dahil sa nasabing video ng segment ng kanyang “online game show” kasama ang blogger na si Andrew Olivar.

Sa kanilang “Good News Game Show”, ipinaliwanag ng dalawa ang tungkol sa federalism sa pagkanta ni Olivar ng “I-pepe, i-pepe, i-dede, i-dede... ipederalismo!” habang itinuturo ang kanyang dibdib at pundilyo.

LUMANG VIDEO

Samantala, nilinaw naman ni Uson na ginawa ang video bago pa siya kinuha ng Con-Com at ng Department of Interior and Local Government (DILG) upang tumulong sa information drive ng pamahalaan tungkol sa federalism.

“Ito po ay paglilinaw patungkol sa viral video kung saan sinasayaw ni Drew Olivar, isang blogger, ang kanyang dance choreography patungkol sa pederalismo. Nangyari po ito sa aming online game show na matagal na po naming ginagawa ni Drew sa aking blog. Bago pa man ako kausapin ng representante ng Con-Com at ng Communications group ng DILG patungkol sa federalism ay nai-shoot na namin itong video na ito at matagal na namin ginagawa ang online game show na ito,” paliwanag ni Uson sa isang video na posted nitong Linggo.

Tiniyak din niyang walang ginastos ang gobyerno sa nasabing video.

Sa isang hiwalay na post, ikinatwiran ni Uson na gusto lang nilang himukin ang publiko na panoorin ang pagtalakay nila sa federalism.

-VANNE ELAINE P. TERRAZOLA, ulat ni Ellson A. Quismorio