“INISIP ko kung may puputulin akong ilang eksena, pero sabi naman ng lahat ipakita, kasi kung magpuputol ako, kelan pa mapapanood? Saka Cinemalaya naman ito.”Ito ang sabi sa amin ni Direk Benedict Mique nang makausap namin pagkatapos ng gala night ng ML (Martial Law).

Tony

Napakabrutal ng pagkakagawa ni Direk Benedict sa torture scenes nina Tony Labrusca, Henz Villaraiz (ex-Pinoy Boyband Superstar contestant) at baguhang si Lianne Valentin, na may breast exposure na pinapaso ni Eddie Garcia, at pati ang private part ay pinaso rin. Ilang beses kaming lumabas, dahil hindi namin kinayang panoorin ang ibang eksena.

Natatawa naman sa amin si Direk Benedict habang ikinukuwento naming ito. Kaya pala nasabi niyang R-16 ang ibibigay na rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa ML kapag may theatrical run na ito, dahil sa mga nasabing eksena.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

E, paano pala kung sinunod pa ni Direk Benedict ‘yung mga suhestiyon ni Rito Eddie na dapat nilagyan ng daga ‘yung loob ng karton saka ilalagay sa katawan ni Tony, o kaya ‘yung pagsusunog ng mata, at kung anu-ano pa.

Ibinatay sa research ang torture scenes na ipinakita ni Direk Benedict sa ML, at hindi naman ito bago sa mga taong nakasaksi o nakaranas sa panahon ng Martial Law.

“Kung wala ka namang ginagawang masama at sinusunod mo ang gobyerno that time, hindi ka naman nila gagalawin,” depensa naman ni Tito Eddie.

Sakto ang sinabing ito ni Tito Eddie, dahil may eksena nang sarkastikong sinagot ni Tony ang professor niyang si Jojit Lorenzo tungkol sa martial law, bagay na ikinagulat din ng binata ang sinabi sa kanya ng guro.

Aliw ang karakter ni Henz, dahil tino-torture na siya ay hindi pa rin siya naniniwalang totoo na, at inakalang prank lang. Habang binubugbog kasi siya ni Tito Eddie ay tinatanong kung nasaan ang Valkyrie, at sinagot niya ito: “Nasa BGC, sa Uptown. Pakawalan n’yo na kami at isasama namin kayo.” Tawanan ang lahat ng tao sa loob ng CCP theater.

Pero siyempre puring-puri namin at ng lahat si Tony, dahil sumabay siya sa acting ni Tito Eddie. Tama si Direk Benedict, bagay sa baguhang aktor ang karakter niya sa ML na nakitaan nila ng alpha male.

Maraming direktor kaming nakitang nanood ng ML, at humanga sila kay Tony dahil mahusay ang binata for a newcomer. Sa katunayan, unang pelikula niya ito.

“Napabilib niya ako. Para sa isang newcomer, very capable siya. Tapos kayang-kaya niya magdala ng pelikula. Saka sumabay kay Tito Eddie. Palagay ko sisikat pa siya.

“Kasi may charm siya na pangbida. May ibang artistang bago kasi kapag nag-lead sa isang film may question ka ‘bakit siya’, ‘sino siya’. Si Tony may power siya na paniwalain ka na kaya niya, na parang matagal na niyang ginagawa ang pagbibida,” ito ang saktong papuri ng premyadong direktor, na hindi na namin babanggitin kung sino.

Agree naman kami sa sinabing ito tungkol kay Tony, at iyon din ang wish namin sa binata. Na sana ay lumaki pa nang husto ang pangalan niya dahil napakabuti niyang tao. Damang-dama mong sinsero siya sa mga kausap, at higit sa lahat, sobrang mahal na mahal niya ang pamilya niya.

Samantala, maraming bumati rin sa mommy ni Tony na si Ms Angel Jones tungkol sa husay ng anak niya sa pagganap.

“Thank you, you don’t only know how nervous I am while watching him,” ani Angel.

Oo naman, halos lahat naman ng magulang ay kabado kapag napapanood nila sa malaking telon ang mga anak nila, dahil konting may makitang mali ay tiyak na katakut-takot na negatibong komento na ang maririnig.

In fairness kay Tony, nagampanan niya nang maayos at SRO (standing room only) ha.

“Sold out po kasi ang tickets, at ‘yung iba po may pass,” sabi sa amin ng usherette, dahil nakatayo rin kami sa buong panonood.

Bukod sa CCP ay napapanood din ang ML sa lahat ng Trinoma, Glorietta, Greenbelt 1, UP Town Center at Legazpi Cinema, Bicol, hanggang Agosto 12 at posibleng ma-extend kapag nanalo ng awards ang pelikula.

-REGGEE BONOAN