NATATANDAAN pa ba ninyo ang armadong kapitan ng pulis na sinakyan ang pribadong bus na maghahatid sana sa mga batang estudyanteng Chinese at puwersahang ipinadiretso sa driver ang sasakyan sa harap ng Luneta Grandstand? Sa lugar na ito sa loob ng sasakyan, inihayag ng opisyal na hinostage niya ang mga bata.
Sa nangyaring negosasyon para sa kanyang pagsuko, inihayag niya ang dahilan kung bakit niya ito ginawa. Inupuan daw ng Deputy Ombudsman ang kanyang kaso dahil hindi nito maibigay ang hinihingi niyang suhol.
Papagabi na nang matapos ang hostage drama na nagsimula nang umaga. Humantong ang insidente sa pamamaril ng pulis sa mga batang kanyang hinostage. Namatay ang mga bata pati ang hostage taker nang salakayin na siya ng mga pulis.
Kauupo pa lamang ni Noynoy Aquino bilang Pangulo nang mangyari ang malagim na insidente. Nagdulot ito ng kahihiyan sa ating bansa at pagpapakita ng mahinang liderato ng bagong administrasyon. Sa buong panahon ng hostage taking, hindi nakita kahit anino ni Pangulong Noynoy. Mga dayuhan at mga bata ang naging biktima sa palpak na paraan ng pagsagip sa kanila, na nasaksihan ng buong mundo.
Dala ng kahihiyaan at bilang paraan ng pagtakip sa kahinaan, idinemanda ng opisina ng Pangulo ng corruption at grave misconduct ang Deputy Ombudsman, na dahilan ng pag-aalburoto ng pulis.
Ang kasong ito sa opisina ni dating Pangulong Noynoy laban sa Deputy Ombudsman ay umabot sa Korte Suprema. Sa botong 8-7, idineklara na walang hurisdiksyon ang opisina ng dating Pangulo. Kung pahihintulutan itong disiplinahin ang deputy ombudsman, masisira ang kalayaan ng Office of the Ombudsman na isagawa ang tungkulin nito na ginagarantiyahan ng Saligang Batas, sabi ng Korte.
Ito ang dahilan kung bakit hindi ipinatupad ni dating Ombudsman Conchita Morales ang suspensiyon ni Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang na ipinataw ng opisina ni Pangulong Duterte. Ang problema, hinintay lang ng Opisina ng Pangulo na magretiro si Morales.
Nang humalili na ang hinirang na Ombudsman ni Pangulong Digong, ibinaba na ng kanyang opisina ang hatol laban kay Carandang. Tinanggal siya sa serbisyo, kinansela ang kanyang eligibility at retirement benefits, pinagbawalang makakuha ng civil service examination at habang panahong hindi makapaglilingkod-publiko.
Ang pagkakasala ni Carandang, ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, ay ang pagsisiwalat niya sa mga detalye hinggil sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa tagong yaman ni Pangulong Duterte.
“Ginamit ni Carandang ang kanyang opisina sa dahilang pampulitika nang gamitin niya ang hindi napatotohanang impormasyon mula sa Anti-Money Laundering Council. Ito ay unethical at labag sa batas,” sabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Pero hindi ba mistulang higit na walang delicadeza at garapal na pang-aabuso ng kapangyarihan ang patalsikin mo ang nag-iimbestiga sa iyo, dahil wala kang karapatang gawin ito sapagkat labag ito sa Saligang Batas?
-Ric Valmonte