BUWAN ng nasyonalismo o pagkamakabayan ang Agosto sapagkat maraming natatangi at mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng iniibig nating Pililipinas ang ginugunita at binibigyan ng pagpapahalaga. Bukod dito, marami ring dakilang bayaning Pilipino ang ginugunita tuwing Agosto dahil sa kanilang kaarawan o kaya naman ay kamatayan. At higit sa lahat, natatangi ang Agosto sapagkat ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika.
Kung Buwan ng Wika, ang mga paaralan mula sa elementarya, high school, senior high school, pampubliko man o pribado hanggang sa mga kolehiyo at pamantasan ay may inilulunsad na mga gawain at programa bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Isang natatanging gawain na nagpapatingkad upang maipakita ang pagmamahal sa wika ng ating mga ninuno at mga bayani ng lahing kayumanggi.
Ayon nga kay Pangulong Manuel L. Quezon, na kinikilala na Ama ng Wikang Pambansa at kaarawan tuwing ika-19 ng Agosto, ang wikang pambansa ang isa sa mga katibayan na dapat taglayin ng bawat malaya at nagsasariling bansa. Dahil dito, nagsisikap tayo sa pagpapayaman nito upang maging mabisang kasangkapan sa pagpapalawak ng diwa at pagpapalaganap ng kultura. Ang pagka-Pilipino sa isip, ugali, at damdamin at sa wikang nagpapahayag ng disiplinang Pilipino ang kailangan ng mamamayan lalo na ng mga naglilingkod sa bayan.
Katulad ng maraming bansa sa buong daigdig, ang Pilipinas ay nasa tamang daan sa paghahanap ng patutunguhan upang mapalawak ang paggamit at pag-unawa sa pambansang wika.
Ang wikang pambansa ay susi sa pagkakabuklod ng mga miyembro ng lipunan dahil ang kultura, kaugalian at tradisyon ng bansa ay higit na nakaugat sa mga salita at pagpapahayag kasama ang ating wika. At ang diwa ng bansa ay naipahahayag sa wika.
Ang wika, bukod sa ito’y kaluluwa ng bansa, ay pinauunlad ng tao upang magamit sa pakikipag-unawaan sa loob ng pamayanan at bansa, sa palitan ng pagkukuro, balitaan, pagpapahayag ng damdamin, pag-aaral, pagtitipon at pagtuturo ng karunungan at pagsisiyasat sa hiwaga ng kalikasan at talinghaga ng buhay.
Sinasabi rin na ang ideal na gamit ng wika ay yaong ang layunin ay magkaunawaan sa pagkakaisa, pagkakasundo, pag-unlad ng kultura, at kalinisang ugali. Ang wika ay parang tubig. Ang hugis ng tubig ay kung ano ang hugis ng sisidlan. At ang masasabing sisidlan ng wika ay ang bayan.
Ang pagiging gaspang at baba ng wika ay naaayon sa kahulugan ng pinag-aralan at kabastusan ng gumagamit ng mga salita o sa sinasadyang pagpapahamak at pagbubulag-bulagan sa kayamanan ng wika.
Dapat tandaan na lahat ng wika ay may katutubong yaman. Ang ikinadudukha ng alinmang wika ay ang hindi pag-aaral at pagtanggap sa wika sapagkat minamaliit at binabalewala. Tulad ng ilang malalansang isda at hayop sa lipunan at pamahalaan na sinabi ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Bawat wikang buhay ay walang pag-urong, laging pasulong at paunlad. At ang pagsulong ay simbilis ng ningning at liwanag na naaabot ng kultura at talino ng mga gumagamit ng wika, gaya ng matitinong manunulat, mga guro, makata, peryodista, broadcaster, at iba pang mga alagad ng wika.
Ang pagkakaroon ng sariling wika ang isa sa pinakamatibay na buklod na bumibigkis sa ikapagkakaisa ng pambansang damdamin, pangarap, at mithiin.
-Clemen Bautista