IKA-4 ng Agosto 2018. Unang Sabado ng nasabing buwan na kung minsan ay mainit at maulan. Para sa marami nating kababayan, simula ito ng dalawang araw na bakasyon sa trabaho para sa mga empleyado sa pamahalaan at ibang mga manggagawa sa iba’t ibang establisimyento. Ngunit para sa mahigit 200 mag-aaral sa Jose Rizal University (JRU) at mga administrator ng nasabing unibersidad, mahalaga, natatangi at makahulugan ang Agosto 4, 2018, sapagkat sa unang pagkakataon ay nagsagawa sila ng tree planting sa Barangay Bagumbong, Jalajala, Rizal. Ang mga punong itinanim sa kahabaan ng magkabilang kalsada ng nasabing barangay ay Nara at Mahogany.
Ayon kay Jalajala Mayor Ely Pillas, ang mga nagtanim ng puno ay ang mga estudyante ng National Service Training Program (NSTP) ng Jose Rizal University. Ang pagtatanim ng mga puno ay bahagi ng gagawing pagdiriwang ng ika-100 taon anibersaryo ng JRU sa darating na Enero 2019 at pakikiisa na rin sa YES (Ynares Eco System) na flagship project ni Rizal Governor Nini Ynares na inilunsad ng pamahalaand panlalawigan ng Rizal.
Bago sinimulan ang pagtatanim ng mga puno ay nagkaroon muna ng ceremonial tree planting. Sinundan ng isang maikling programa na tampok ang paglagda sa isang memoramdum of agreement (MOA) sa pagitan ng Bgy. Bagumbong, pamahalaang bayan ng Jalajala at ng JRU. Ang mga signatory o lumagda sa MOA ay sina Dr. Miguel M. Carpio, Vice President for Academic Affairas ng JRU Bagumbong Barangay Captain Greg Manguit at G. Elmer C. Pillas, municipal administrator ng Jalajala. Ang MOA ay isang public at private partnership para sa NSTP.
Sa bahagi ng mensahe ni Jalajala municipal administrator Elmer C. Pillas, binanggit niya ang mga nagawa ng mga naging mayor ng Jalajala. Ang pagkakaroon ng kuryente sa bayan at mga barangay, ang aspaltado at sementadong karsada, pagkakaroon ng mga school building, at ang pagkakaroon ng serbisyo ng Manila Water. Naipaayos ang ospital sa tulong ng pamahalaang panlalawigan, ang pagkakaroon ng bagong munisipyo at extension ng Rizal University System (URS) campus.
Kasama ng mga mag-aaral ng JRUna lumahok sa pagtatanim ng mga puno ang m,a administrator ng JRU na sina Dr. Ana Belen S. Cuyugan, Director ng Student Development Office at OIC ng Community Development Office; Dr.Melfi M. Caranto, Dean ng Libreral Arts, Criminology and Education; Ms. Ivory Joy C. Malinao, Director ng Marketing and Communication. Sila rin ang personnel ng 100 Year Celebration committee ng JRU. Kasama rin sa tree planting ang EC Mind Tour sa pangunguna ni G. Eliezer Cas.
Pinasalamatan ng mga administrator ng JRU si Jalajala Mayor Ely Pillas, ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga empleyado ng pamahalaang bayan ng Jalajala at mga opisyal ng Bgy. Bagumbong, sa pakikipagtulungan sa tree planting ng mga mag-aaral ng JRU. At para naman sa mga mag-aaral ng JRU, isang maganda at hindi malilimot na karanasan ang pagtatanim ng mga puno sa Jalajala, Rizal. Naging bahagi sila ng programa para sa environmental protection.
Ang Jalajala ang isa sa anim na bayan sa silangang bahagi ng Rizal. Dulong bayan na ng lalawigan ng Rizal. Tahimik, malinis at isang agricultural town. May malawak na bukirin at kabundukan. Masipag ang mga mamamayan na ang marami’y mangingisda, magsasaka at mga propesyonal na nagtatrabaho sa ibang bayan sa Rizal, Metro Manila at sa ibang bansa. May loob sa Diyos at nagpapahalaga sa kanilang mga namanang tradisyon at kultura.
Dahil sa pagiging tahimik at malinis na bayan, ang Jalajala ay tinawag na “PARAISO NG RIZAL”. At mula nang mamuno si Mayor Ely Pillas noong 2004, naiangat sa pagiging 4th class municipality ang Jalajala mula pagiging 6th class municipality. Nakapagpagawa ng bagong munisipyo at naayos ang ospital ng Jalajala sa tulong ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni dating Rizal Govrnor Casimiro “Ito” Ynares Jr. Sa pamamahala, binigyang prioridad ni Mayor Ely Pillas ang edukasyon, kalusugan at ang pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan.
-Clemen Bautista