Determinado ang pamahalaan na mabawi ang multi-milyong piso na umano’y ninakaw ng sinasabing pork barrel fund scam mastermind na si Janet Lim-Napoles, at ng kanyang mga kasabwat.

Ito ang inilahad kahapon ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, sinabing hindi nagmamaliw ang paninindigan ng gobyerno na labanan ang kurapsiyon kasunod ng paghahabla kay Napoles at sa lima niyang kaanak, sa kasong money laundering sa Amerika.

“While Mrs. Napoles is currently detained behind bars, the Philippine Government will not stop until the last centavo is returned and all conspiring government officials and involved persons are incarcerated,” paniniyak ni Panelo.

Matatandaang isinakdal ng US federal bureau si Napoles at limang iba pa dahil sa umano’y sabwatan ng mga ito upang maipuslit sa Amerika ang $20 million pondo ng Pilipinas, sa ilegal na pamamaraan.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Naiulat na ginamit ang nasabing pondo upang makapamili ng ari-arian sa Amerika, kabilang na ang lupain at mga mamahaling sasakyan.

Nakikipagtulungan na, aniya, sa US government ang pamahalaan kaugnay ng kaso ni Napoles, at sa posibleng pagpapadala sa kanya sa Amerika upang harapin kanyang kaso.

Isa rin aniyang “welcome development” sa pagsusumikap ng Pilipinas ang paghahain ng kaso laban kay Napoles, upang mabawi ang yaman na umano’y ninakaw nito.

“Consistent with the President’s unwavering commitment to eradicate corruption in the country, the Philippine Government, through the Department of Justice, will not wander from this case and shall closely coordinate with U.S. authorities in their efforts to bring justice to our country and its citizens, including the possibility of extraditing Mrs. Napoles and her co-defendants to face indictment therein,” pahayag pa ni Panelo.

-Genalyn D. Kabiling