NANG mabasa at marinig ko ang balita hinggil sa pabuyang P1-milyon cash na matatanggap ng sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa agarang pagdakip sa apat na dating militanteng kongresista, na may standing warrant of arrest sa kasong double murder, pagdududa ang pumasok agad sa aking isipan na ‘di magtatagal ay mahuhulog sa kamay ng batas ang mga ito.

Ang nag-alok ng milyones na pabuya upang maaresto sina Saturnino Ocampo, Liza Maza, Teddy Casiño at Rafael Mariano ay ang Citizen’s Crime Watch (CCW) na nagsabing ang apat ay mga WANTED sa batas dahil sa nakabinbing kaso ng double murder laban sa mga ito noon pang 2006.

Napansin ko lang na may malaking kulang sa press conference ng CCW nang iharap nila sa media ang tumataginting na milyones na cash, na kanilang ibibigay sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang apat.

Sa karanasan ko kasi sa mga ibinibigay na REWARD, lalo na ng mga pulis at militar, mas nagiging epektibo ang pabuya – maraming kumakagat na nakababasa at nakapanonood sa balita – kapag ipinakikita nila sa media ang pinakabagong kuhang larawan ng kanilang mga “target personalities” na ginagamit sa istorya.

Naalala ko tuloy kung paano nahuli noong Dekada ‘80 ang mag-asawang Satur Ocampo at Bobbie Malay sa Makati – ‘di ko mapigil na mapangiti kapag bumabalik sa aking alaala ang kuwentong ito! Bunga kasi ito ng paghahanap namin -- kasama ko noon si Alden Alag ng Philippine Star -- ng balita sa Camp Crame tuwing “patay na araw” dahil weekend, at karamihan sa mga news sources ay wala sa kampo.

Ang mag-asawang Satur at Bobbie, at iba pang mga leader ng mga rebelde ay pinakawalan ng Aquino Administration upang magbigay daan sa usapang pangkapayapaan, ngunit naging mga WANTED muli nang mag-collapse ang “peacetalks” dahil sa pagkakapatay sa 18 magsasaka sa rally na ginawa sa harapan ng gate ng Palasyo ng Malacañang noong Enero 22, 1987 – na binansagang “Mendiola Massacre”.

Ito rin ang dahilan kaya bumalik sa “underground movement” sina Satur at Bobbie at iba pang lider ng mga rebeldeng kabilang sa kilusang CPP/NPA/NDF. Ngunit sa pagkakataong ito, karamihan sa kanila ay hindi na bumalik sa bundok bagkus ay sa mga makabagong subdibisyon na lamang sa Metro Manila tumira -- gaya nina Satur at Bobbie na tumira sa isang bagong apartment ‘di kalayuan sa City Hall ng Makati, na doon din nadakip ng mga matitikas na operatiba ng Intelligence Group (IG) ng noon ay Philippine Constabulary – Integrated National Police (PC-INP).

Nakuha namin ni Pareng Alden ang impormasyong mula sa P250,000 na REWARD kada “ulo” ng liderato ng CPP/NPA/NDF, ay itinaas ito sa tig P1-milyon. Nakita mismo namin ang poster - kaya nga lamang ang mga litrato ay mga luma na.

Nagkasundo kami ni Pareng Alden na iyon ang aming “SCOOP” at ako ang nag-ponente (tawag namin sa nagsulat ng balita na kinopya naman ng ibang reporter) at agad na itinawag (phone-in kasi di pa uso ang fax at email noon) sa aming opisina na Inquirer at Philippine Star.

Natatandaan kong hinihingi ng desk ang kopya nu’ng poster ngunit sinabi ko na luma ang ginamit na mga litrato, at mas magandang gamitin ‘yung kanilang mga “file photo” mula sa nadiskaril na “peacetalks”. Paglabas ng diyaryo namin kinabukasan – mistulang WANTED POSTER ang banner photo dahil sa malikot na imahinasyon ng aming mga desk editor!

At ito ang siste – Lunes ng umaga pa lamang ay may tawag akong natanggap sa Press Office sa Camp Crame at nagtatanong kung totoo ‘yung isinulat kong balita na may P1 milyong reward sa kada ulo ng mga taong nasa larawan. Nang kumpirmahin ko – dinig ko ang excitement nu’ng nasa kabilang linya! Sinabi ko sa CALLER kung saang opisina siya dapat na pumunta at sino ang dapat niyang kausapin – ayaw na niya kasing magbigay pa ng ibang impormasyon sa akin.

Ang sumunod na mga pangyayari ay ang pagkakaaresto nina Satur at Bobbie sa isang apartment ‘di kalayuan sa City Hall ng Makati. The rest is history!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].

-Dave M. Veridiano, E.E.