Kasunod ng serye ng pambobomba sa Basilan, Masbate, at Rizal, inalerto kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa pekeng mensahe ng pagbabanta na layuning takutin ang publiko.

“The PNP advises the public to be cautious in handling scare rumors being spread thru text, email, and digital social networks,” sabi ni PNP spokesperson, Senior Supt. Benigno Durana, Jr.

Nilinaw ni Durana na walang “specific” na banta sa anumang partikular na target sa kabila ng mga pambobomba, na ang huli ay nangyari nitong Martes sa Lamitan City, Basilan, na ikinasawi ng 11 katao.

Una nang nilinaw ng mga awtoridad na walang malinaw na koneksiyon ang pambobomba sa Lamitan, Basilan at sa Antipolo City, Rizal nitong Martes, maging sa pantalan ng Masbate nitong Miyerkules.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Matapos ang magkakasunod na pambobomba, kumalat ang chain text message na nagsabing ang pagsabog sa Lamitan ay “just a prelude to a bigger attack”—na mariing itinanggi ng PNP.

“[T]he text scare being spread around is untrue and is obviously designed only to create panic. Scare messages of this nature deserve to be discarded and not shared,” sabi ni Duran. “Break the scare chain. DELETE that message as soon as it is received.”Bagamat tiniyak ng PNP na walang anumang banta sa bansa, itinaas na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Autonomous Region in Muslim Mindanao Police Regional Office (PRO-ARMM) ang security alert status sa saklaw nitong lugar.

“For good measure and everyone’s peace of mind, we are laying-out a preventive security plan designed to harden possible targets and deter any attempt by threat groups to infiltrate our communities,” sabi ni Durana.

Kasabay ng panawagan sa publiko na maging kalmado pero alerto, hinimok ni Durana na i-report ang mga nagkakalat ng scare messages sa pagtawag sa national emergency hotline na 911, o sa PNP text hotline na 0917-8475757.

-MARTIN A. SADONGDONG