MAGTATAPOS na sa Oktubre ang rehabilitasyon ng Boracay, na pinasimulan ni Pangulong Duterte noong Abril. Kaya sa Oktubre 26, inaasahang muli itong bubuksan sa publiko matapos linisin, paluwagin ang mga kalye at ilagay sa tamang lugar ang mga gusali. Siguradong bubuksan ito sa mga turista, lokal o banyaga, dahil para sa kanila ang kanyang pangunahing layunin bago ito ipasara. Ngunit may lumalabas na problema kung ito ay ilalaan sa mga negosyo lalo na sa casino. Kasi, ayon sa Leisure and World’s Resort, ang planong magtayo ng 55 milyong dolyar na casino sa 2021 ay nananatili. Kaya lang, hindi kailanman hahayaan ng Pangulo na magkaroon dito ng casino, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nananalig ako, aniya, na ito ay igagalang. “Hindi ko iisiping may pribadong grupo o kumpanya na susubukin ang political will ng Pangulo hinggil sa isyu ng casino sa Boracay,” sabi pa ni Roque.
Bago pa ipasara ni Pangulong Digong ang Boracay ay may casino nang nag-o-operate rito. Ang isyu bago isara ang Boracay ay kung hindi na pahihintulutan ang Leisure and World’s Resort o ang pinakamalaking casino resort na kilalang-kilala sa negosyong ito sa buong daigdig. Ang pinagkaiba ng nabanggit na casino sa nauna ay bukas sa lahat, lokal o banyaga, na makapaglaro. Hindi gaya ng naunang casino bago pa isara ang Boracay na tumatanggap lang ng mga dayuhan. Ang mga Pinoy ay pinagbabawalan maglaro. Bago isara ang Boracay ay napipinto nang magbukas ang nasabing casino. Kasi, nabigyan na ito ng permiso ng Philippine Games and Amusement Corporation (PAGCOR) at maging ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Roque, wala siyang naiisip na tao o grupo na susubok na suwayin ang kautusan ng Pangulo na walang casino na magtatayo sa Boracay sa muli nitong pagbubukas sa Oktubre. Matapos pahintulutan ng PAGCOR ang nasabing casino, nakapanayam ng media ang pinuno nito na si Andrea Domingo. Nang tanungin siya kung susunod sila sa utos ng Pangulo, sinabi niya na resonable at matalino naman ang Pangulo at baka makumbinse sa malaking benepisyong ibibigay ng casino sa bansa. Nawala kaya sa isip ni Roque si Andrea Domingo?
Eh, kaya nasa PAGCOR si Domingo ay dahil kay dating pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Arroyo. Dating Kongresista at miyembro ng Gabinete ni Arroyo si Domingo. Mga nasa sensitibong posisyon ang mga galamay ng Speaker tulad nina Sec. Francisco Duque ng Secretary of Health; Commissioner Devanadera ng Energy Regulartory Commission at Atty. Lambino ng Cagayan Export Processing Zone, na nagsulong ng “people’s initiative” para maamyendahan ang Saligang Batas sa panahon ni Arroyo upang maging parliamentary ang ating gobyerno. Ang mga nakatutok na papalit kay Lourdes Sereno bilang chief justice ng Korte Suprema ay pawang mga hirang niya.
Malamang na makumbinse ni Domingo si Pangulong Digong para makapagpatayo ng casino sa Boracay.
-Ric Valmonte